ISA’T KALAHATING buwan bago ang eleksiyon ay dumarami lalo ang local executives na sumusuporta kay Vice President Leni Robredo para maging susunod na Pangulo ng bansa, indikasyon na lumalakas ang kanyang kampanya laban sa anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, Jr.
Sa Cavite, pinatunayan ni Cavite 4th District Representative Elpidio Barzaga, pangulo ng National Unity Party (NUP), na hindi solid Marcos, Jr., ang probinsiya salungat sa ipinapakalat ni Gov. Jonvic Remulla.
Tumindig si Barzaga para kay Robredo, kahit pa ang kanyang sariling partido ay sumusuporta kay Marcos.
“If we base (it on) her track record, naniniwala ako that she is the most qualified to be elected as president,” ayon Barzaga. “Kapag siya ang naging Pangulo, talagang magkakaroon tayo ng gobyernong tapat at aangat ang buhay ng lahat.”
Suportado rin si Robredo ng maybahay ni Barzaga na si Dasmariñas Mayor Jenny Barzaga. Itinuturing na vote-rich city ang Dasmariñas, Cavite dahil mayroon itong higit sa 400,000 botante.
Sa isang rally sa Imus, Cavite, ipinahayag ni Cavite 3rd District Rep. Alex Advincula ang suporta niya kay Robredo. Tumatakbo bilang mayor ng Imus ngayon si Advincula.
Matatandaan, isang higanteng rally para kay Robredo at kanyang running mate na si Senator Kiko Pangilinan, ang naganap sa Cavite noong 4 Marso sa General Trias City, na halos 50,000 supporters ng tandem ang dumalo at ipinakitang Leni-Kiko sila sa darating na halalan.
Kahapon, inianunsiyo ni Misamis Oriental 2nd District Rep. Juliette Uy at ng kanyang buong Team Unity tiket ang suporta nila para kay Robredo.
Nakasama ni Uy si Robredo sa House of Representatives noong Naga congresswoman ang Bise Presidente. Naging mabuti silang magkaibigan at inilarawan ni Uy si Robredo bilang isang napakasimple at tuwid, at tunay na nakatuon sa kanyang trabaho.
Nakatrabaho rin ng anak ni Uy na si Villanueva Mayor Jennie Mendez si Robredo sa Kongreso. Sinabi ni Mendez, bago pa man naging public official ang Bise Presidente ay naging lingkod bayan muna siya, lalo para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Pinuri ni Mendez ang mga programa ni Robredo na nakatutulong sa marami nating kababayan. Kasama rito ang pagtutok sa edukasyon, ang mabilis na pagresponde sa COVID-19 pandemic, ang mga programa ng Angat Buhay at pagsuporta sa mga kababaihan at maliliit na negosyo tulad ng mga mananahi.
Para kay reelectionist Misamis Oriental Vice Governor Joey Pelaez, prinsipyo ang sinunod ng Team Unity nang piliin nila si Robredo bilang kandidatong ieendoso.
Ipinaalala rin ni Pelaez na kailangan pag-aralan maigi ng mga Filipino ang ating kasaysayan at malaman na walang mabuting idinulot ang martial law o batas militar sa Filipinas bagkus pinahirapan nito ang nakararami tulad ng coconut farmers.