Saturday , November 16 2024

Banta ng pagsabog nanatili
BULKANG TAAL,  ALERT LEVEL 3 PA RIN — PHIVOLCS

032822 Hataw Frontpage

NANANATILING nasaAlert Level 3 ang Taal Volcano hanggang nitong Linggo dahil sa patuloy na pagtala ng mga phreatomagmatic eruptions, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

“Sa kasalukuyan, ang ating rekomendasyon ay mananatili ang Alert Level 3. Ibig sabihin may magmatic activity, ang magma ay nag-i-intrude o umaakyat papunta sa crater nang dahan-dahan, at ang pagdampi at interaksiyon ng mainit na magma at tubig ay sanhi ng mga pagsabog,” ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum sa isang panayam sa radyo nitong Linggo. 

Base sa pinakahuling bulletin ng Phivolcs, nabatid na nakapagtala sila ng dalawang phreatomagmatic events noong Sabado ng gabi at dalawa pa nitong Linggo ng umaga.

Mayroong naiulat na 14 volcanic earthquakes, kabilang ang 10 tremors, na tumatagal hanggang tatlong minuto.

Sinabi ni Solidum, dalawa sa pagsabog nitong Linggo ang naglabas ng mga plumes na umaabot ng hanggang 800 metro.

Tiniyak niyang patuloy nilang oobserbahan ang mga aktibidad ng bulkan sa loob ng dalawang linggo bago muling magdesisyon kung ano ang magiging bagong alerto nito.

Dagdag ni Solidum, kahit pa ibaba ang alerto ng Taal sa Level 2 ay may posibilidad pa rin na magkaroon ito ng mas malakas na pagsabog.

“Kasi nga nakaumang ‘yong magma sa ilalim. Kung umakyat ito, ‘yan ang magti-trigger ng mas malakas na pagsabog,” ani Solidum.

Paliwanag niya, hindi naman ‘unusual’ para sa isang bulkan na maging aktibo sa loob ng dalawang taon.

Sa kaso aniya ng Taal, ang mga aktibidad nito ay nagsimula pa noong Enero 2020. Ang huli aniyang malakas na pagsabog ng Taal ay naitala noong 1965 at nanatili itong aktibo hanggang 1977.

Kaugnay nito, pinayohan ni Solidum ang mga residente na malapit sa Taal na magsuot ng N95 masks upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa ashfall na ibinubuga nito.

Matatandaang nitong Sabado ay itinaas ng Phivolcs ang Taal Volcano sa Alert Level 3 matapos makapagtala ng phreatomagmatic burst.

Agad din inilikas ng mga awtoridad ang mga residente na malapit sa bulkan para sa kanilang kaligtasan. (ALMAR DANGUILAN)

PALASYO NATUTOK SA TAAL VOLCANO

SINUSUBAYBAYAN ng Malacañang ang sitwasyon sa mga lugar malapit sa Taal Volcano na nasa ilalim ng Alett Level 3 bunsod ng phreatomagmatic eruption ng bulkan.

Sinabi ni Communications Secretary at acting Presidential Spokesman Martin Andanar, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, regional counterparts nito kasama ang mga lokal na pamahalaan ay nagpapatupad ng kaukulang precautionary measures , kabilang ang paglilikas sa high risk communities malapit sa volcano island pati sa mga mangingisda sa Taal Lake.

“As of March 27, 2022, 8:00 am, there are 854 families or 2,894 persons inside 12 evacuation centers in CALABARZON,” sabi ni Andanar sa isang kalatas.

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahandaan ng Quick Response Teams gayondin ang stockpile ng food and non-food items upang makaagapay sa lokal na supply kapag kinailangan.

“We urge all residents of affected barangays and communities to remain alert and vigilant, get news updates from trusted sources and authorities, and cooperate with concerned agencies while the volcano situation is being monitored for any developments,” ani Andanar. (ROSE NOVENARIO)

About Almar Danguilan

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …