TAGUMPAY ang isinagawang Unity Walk at Signing of Peace Covenant for Secure, Accurate, Free and Fair Elections (SAFE) 2022 na ginanap sa Bulacan (KB) Capitol Gym, lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan nitong Huwebes, 24 Marso.
Kinatawan ni P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang Philippine National Police sa unity walk na nagsimula sa Camp Gen. Alejo S. Santos hanggang sa Bulacan (KB) Capitol Gym.
Lumahok sa aktibidad ang Commission on Elections (COMELEC) bilang lead unit, katuwang ang PNP, AFP, stakeholders na kinabibilangan ng DepEd, DPWH, DILG, DOH, MERALCO at Religious affiliates tulad ng Catholic Church kasama ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Bulacan Muslim Affairs Office (BMAO) at ang Bulacan Ministry Council.
Ang unity walk ay sinundan ng mga kandidato sa provincial level na tumatakbo sa kanya-kanyang posisyon simula gobernador, bise-gobernador, mga kinatawan sa bawat distrito at board members gayondin ang kanilang mga staff at support groups.
Sinimulan ang programa sa isang Ecumenical Prayer na pinangunahan ni Fr. Efren Basco, PPCRV; Imam Omar Manaleon Samsodin, BMAO, at Pastora Ma. Theresa Ondoy, BMC.
Sinundan ito ng mensahe mula kay Darwin David, PD DILG; Lt. Col. Eugene Garce, 70ID, Philippine Army; P/Col. Rommel Ochave, Bulacan PPO; at Atty. Rene Cruz, Jr., Provincial Election Supervisor, COMELEC.
Gayondin, pinangasiwaan ang sabay-sabay na deklarasyon ng Integrity Pledge ni Fr. Efren Basco ng mga kandidato sa provincial level.
Naging tampok sa kaganapan ang Signing of the Peace Covenant ng lahat ng kandidato sa provincial level na sinaksihan ng Police Provincial Director gayondin ng ibang mahahalagang panauhin.
Ang Peace Covenant ay kumakatawan sa kasunduan ng pagkakaisa ng mga kandidato para sa matiwasay na halalan.
Ang Bulacan PNP ay lubos na kinilala para sa maselan at masusing paghahanda na kanilang ginawa para sa matagumpay na okasyon. (MICKA BAUTISTA)