MISTULANG nagpatalbugan sa timpalak ng ‘pasabog’ ang kampo ni Pangulong Rodrigo Duterte at Davao del Norte Rep. at Partido Reporma president Pantaleon Alvarez kahapon.
Nagulantang ang publiko nang inianunsiyo kahapon ng umaga ni Alvarez ang pagtalikod sa standard bearer at chairman ng Partido Reporma, Senator Panfilo “Ping” Lacson at pagsuporta sa presidential bid ni Vice President Leni Robredo sa 2022 elections.
Kasunod nito’y ang pormal na pagbibitiw ni Lacson sa kanilang partido at deklarasyon ng kanyang pagiging independent candidate sa presidential elections.
Matapos ang ilang oras ay inihayag ni Sen. Christopher “Bong” Go na nakipagpulong si Pangulong Duterte sa anak ng diktador at presidential contender Ferdinand Marcos, Jr., sa Malacañang nitong nakaraang weekend.
Si Marcos Jr., ang running mate ni vice presidential bet, Davao City Mayor Sara Duterte.
Kombinsido si Go, ang meeting nina Pangulong Duterte at Marcos Jr., ang isa sa naging salik na nagbigay daan sa pag-endoso ng ruling party, PDP-Laban sa kandidatura ng anak ng diktador.
Matatandaan, dating magkaalyado sina Duterte at Alvarez hanggang noong 2018 nang maniobrahin ni Sara ang kudeta laban kay noo’y House Speaker Alvarez at iniluklok kapalit niya si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagkaroon ng iringan sina Alvarez at Sara dahil sa umano’y pagbabanta ng dating Speaker na ‘ipapahiya’ si Sara, na nakarating sa alkalde.
Isa si Arroyo sa sumuporta sa presidential bid ni Duterte noong 2016 at ngayo’y tagapagtaguyod ng kandidatura sa pagka-bise-presidente ni Sara.
Ayon sa ilang political observers, ang paglantad ni Alvarez para kay Robredo na mahigpit na katunggali ni Marcos Jr., ay isang hudyat ng pakikipagtunggali kay Sara. (ROSE NOVENARIO)