TULUYANG nahulog sa kamay ng batas ang apat na pugante sa isinagawang manhunt operations sa lalawigan ng Bulacan nitong Miyerkoles, 23 Marso.
Sa ulat mula kay P/Col. Rommel Ochave, provincial director ng Bulacan police, sinasabing pawang mapanganib kaya nagtulong-tulong ang tracker teams ng police stations ng Angat, Balagtas, Meycauayan, Norzagaray, Plaridel, San Jose del Monte, at Sta. Maria, at mga elemento mula sa 1st at 2nd Bulacan Provincial Mobile Force Company sa inilatag na manhunt operations laban sa mga suspek.
Hindi nakapalag nang masukol ng mga operating teams ang mga puganteng kinilalang sina Romeo Punzal, Jr., arestado sa kasong Robbery; Mary Ann Fujen, Murder; Joebert Laurente, Frustrated Murder; at Jeff Salazar, sa kasong Rape.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang mga akusado para sa kaukulang disposisyon bago ipasa sa korteng humahawak ng kanilang kaso.
Pahayag ni Ochave, ang Bulacan police ay mananatiling walang humpay sa pagpapatupad ng matinding kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)