HALOS walang natira sa mga paninda ng isang negosyante nang tupukin ng apoy ang kaniyang tindahan sa loob ng isang palengke sa Brgy. Pulong Buhangin, sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 23 Marso.
Nabatid na dakong 3:00 am nang sumiklab ang malaking apoy sa tindahang pag-aari ni Evelyn Sumalinog Buico, residente sa Maningas St., sa loob ng Pulong Buhangin Public Market.
Sinasabing napansin ng ilang fish vendor na maagang nagsipagbukas, may umuusok sa loob ng tindahan na pag-aari ng biktima kaya agad silang tumawag sa mga opisyal ng barangay para sa agarang tulong.
Mabilis na nagresponde ang mga opisyal ng barangay hanggang dumating ang mga bombero na maagap na naapula ang sunog bago lumatag ang liwanag.
Ayon kay Evelyn, halos P500,000 ang naging pinsala sa kanya ng sunog dahil halos wala nang pakikinabangan sa kanyang mga panindang produkto.
Sa pagsisiyasat ng mga arson investigator ng Sta. Maria Bureau of Fire Protection, faulty wiring ang naging sanhi ng sunog. (MICKA BAUTISTA)