HALOS mapuno ang kulungan nang sunod-sunod na maaresto ang mga wanted persons at mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga, pati ang mga sugarol sa isang araw na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 21 Marso.
Sa ulat mula kay P/Col. Rommel Ochave, provincial director ng Bulacan PPO, nadakip sa inilunsad na manhunt operation ng mga police stations at unit warrant officers ng 1st at 2nd PMFC, San Jose Del Monte, Meycauayan, at Obando ang anim na most wanted persons (MWPs) sa city at municipal level.
Kinilala ang mga suspek na sina John Christian Principe, sa kasong Rape, MWP ng San Rafael; Jonel Yanson, sa tatlong bilang na kasong Rape, MWP ng San Jose del Monte; Michael Ipio, alyas Make, sa paglabag sa R.A. 9165, MWP ng San Jose del Monte; Jonathan Cruz, alyas Smooth sa kasong Murder, MWP ng San Jose del Monte; Lorenzo Soriano, alyas Enzo, sa kasong Murder, MWP ng Marilao; at Ricky Mendoza sa kasong Rape, MWP ng Obando.
Nasukol din sa serye ng manhunt operations na isinagawa ng mga tauhan ng 1st at 2nd PMFC, PIU, police stations ng Marilao, Pulilan, Meycauayan, Doña Remedios Trinidad, Bustos, Hagonoy, Sta. Maria, Baliwag, Balagtas, Obando, Bulakan, at Plaridel ang 46 indibidwal na wanted iba’t ibang paglabag sa batas.
Gayondin, naaresto ang 20 drug suspects sa anti-illegal drug-bust operations na ikinasa ng mga police stations ng San Rafael, Obando, Bocaue, Pandi, Calumpit, Hagonoy, Norzagaray, Guiguinto, Angat, Sta. Maria, at Balagtas.
Nakompiska mula sa kanila ang 44 pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 8.84 gramo, limang pakete ng hinihinalang marijuana na may timbang na 34.17 gramo, may kabuuang Dangerous Drug Board (DDB) value na P64,242.
Sa inilatag na tatlong anti-illegal gambling operations, naaresto ang 17 indibidwal at nasamsaman ng sari-saring gambling paraphernalia at bet money. (MICKA BAUTISTA)