INIULAT ng top cop ng Central Luzon na si P/BGen. Matthew Baccay ang matagumpay na pagkakadakip sa isang regional at isang provincial most wanted persons sa inilatag na manhunt operation sa bayan ng Angat, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 21 Marso.
Ayon sa ulat mula kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, nagsagawa ang mga tauhan ng 2nd PMFC Bulacan (lead unit) katuwang ang mga warrant operatives ng Carmona Cavite MPS, Norzagaray MPS, Angat MPS, 24th SAC, 2SAB PNP-SAF at 301st RMFB ng manhunt operation sa Sitio Palale, Brgy. Laog, sa nabanggit na bayan.
Dito nakorner ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Randy Cristobal, nakatala bilang Regional Most Wanted Person ng Region 4A-Calabarzon; at Rolly Cristobal, nakatalang top 1 most wanted person sa Cavite, kapwa naninirahan sa naturang barangay.
Inaresto ang dalawang akusado sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong Murder sa ilalim ng Criminal Case No. 2022-32 na inilabas ni Presiding Judge Niven Canlapan ng Carmona, Cavite RTC Branch 109, na walang itinakdang piyansa. (MICKA BAUTISTA)