NASAKOTE ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaking pinaniniwalaang isa sa pinakamalaking nagpapakalat ng marijuana sa lalawigan ng Bulacan nang makompiskahan ng tinatayang limang kilong marijuana sa lungsod ng San Jose del Monte, nitong Huwebes, 17 Marso.
Sa ulat mula sa PDEA Bulacan Provincial Office, kinilala ang nadakip na suspek na si John Gabriel Gayo, 27 anyos, residente sa Blk. 60 Lot 24 Brgy. Sto. Niño 1, sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa operating team, pinaniniwalaang isa si Gayo sa pangunahing nagpapakalat ng marijuana sa lungsod at mga karatig-bayan nito sa Bulacan.
Nasamsam sa operasyon ang anim na pirasong paketeng nakabalot ng packaging tape na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana, may timbang na na hindi kukulangin sa limang kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P600,000; at boodle money na ginamit na patibong.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs), Article II ng RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. (MICKA BAUTISTA)