NASUKOL ang lider ng notoryus na Rado criminal gang at kanyang kasapakat sa inilatag na manhunt operation ng mga awtoridad, nitong Sabado ng tanghali, 19 Marso, sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan.
Isinagawa kamakalawa ng magkasanib na operating troops ng 4th Platoon, 2nd PMFC bilang lead unit, Norzagaray MPS, Pandi MPS, PIU, Bulacan PPO at 24th SAC, 2SAB PNP-SAF ang manhunt operation sa Brgy. Bitungol, sa nabanggit na bayan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Noel Rado, 56 anyos, negosyante, nakatala bilang high value target (HVT), residente sa Brgy. Bunsuran I, Pandi, at lider ng Rado criminal gang; at kanyang kasapakat na kinilalang si Jedson Yamat, 42 anyos, negosyante, residente sa Brgy. Poblacion, Pandi.
Inaresto ang dalawa sa bisa ng alias warrant of arrest para sa kasong Murder (RPC Art 248) sa ilalim ng Criminal Case No. 1305-M-2022 na inisyu ni Acting Presiding Judge Rigor Pascual, ng Malolos City Regional Trial Court Branch 14, may petsang 18 Marso 2022 at walang inirekomendang piyansa.
Nakuha ng mga awtoridad mula sa pag-iingat ni Rado ang isang kalibre .45 pistola, dalawang magasin, at 16 bala.
Nang beripikahin ng mga awtoridad, bigo ang suspek na magpakita ng mga kaukulang dokumento ng armas.
Nabatid, sangkot ang Rado criminal gang sa serye ng mga insidente ng gun-for-hire, robbery, carnapping at illegal drug activities sa Bulacan at karatig-lalawigan.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms kaugnay sa Omnibus Election Code ang dalawang naaresto. (MICKA BAUTISTA)