HARD TALK
ni Pilar Mateo
KUNG berde ang utak mo, sigurado berde ang magiging dating ng titulong Biyak sa ‘yo.
Pero naipaliwanag sa amin ng scriptwriter nito na si Troy Espiritu, na tungkol ito sa magkapatid na nagkahiwalay dahil sa mga sitwasyong kinalagyan niya sa buhay.
Ang germ ng istorya eh, nagmula sa premyadong direktor na si Joel Lamangan. At nang malaman niyang ang kanyang naidirehe na sa pelikulang anak ng producer na si Len Carillo ng 3:16 Media Network, na ai Quinn ay mahilig magsulat, hiningi niya na makipag-collaborate ito kay Troy.
At sa nasabing proyekto, si Quinn ang magbibida, kasama ang isa pang alaga ng 3:16 na si Angelica Cervantes. Ang mga leading men naman ay ang sinusubaybayan sa Viral Scandalna si Vance Larena at ang kung ilang beses nang naididirehe ni direk Joel na si Albie Casiño. Makakasama rin sina Maureen Mauricio, Melissa Mendez, at Jim Pebanco.
Malinaw pa sa sikat mg araw ang sinabi ni direk Joel na may sexy scenes na matutunghayan sa kanyang proyekto. Pero hindi siya aabot sa puntong maihahanay ito sa pagiging porn.
“This is a contemporary story. Fiction based on facts.”
Sa isinagawang story conference, nilinaw agad ni Direk Joel ang do’s and dont’s sa kanyang set.
Numero uno ang attitude sa set. At ang ayaw na ayaw niya eh ang nale-late. Dahil mamumura niya raw talaga kahit sino pa ito. At kung magka-problema naman o may tanong ang artist, makaka-diretso sila sa kanya. Kaya, hindi ang managers nila ang makasasagot sa tanong nila na may kinalaman sa artistic side ng trabaho nila.
Ibinigay ni direk ang mga pangalan at papel ng production staff na hahawak sa schedule, sa production design (wardrobe, make-up at iba pa), location, pati sa budget.
Ang istorya na nagkaroon ng limang drafts ay maglulunsad sa dalawa pang gems ng 3:16 Media Network.
Hindi ito ordinaryong istorya. Kaya natuwa si direk Joel sa likot din ng imahinasyon ni Quinn as a writer.
At magugulat din tayo sa kakayaning ibigay ng umamin na miyembro siya ng LGBTQIA, na si Angelica.
Na hindi worried sa magiging dating niya para maging pantasya ng bayan.
Matatapang ang mga bida ni direk sa pelikulang sinimulan nang kunan sa Noveleta, Cavite.