HINDI nakalusot sa nakalatag na checkpoint ang isang rider na hinihinalang may dalang shabu nang masakote ng mga awtoridad sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 14 Marso.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng Sta.Maria MPS, kinilala ang suspek na si Leo Bernardo ng Brgy. Pulong Buhangin, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga elemento ng Sta. Maria MPS sa bahagi ng lansangan sa City Land, Brgy. Pulong Buhangin, nang parahin nila ang motorsiklong minamaneho ng suspek dahil nakitaan nila ng mga paglabag sa batas.
Nang hilingin ang mga kinakailangang dokumento ng motorsiklo at buksan ng suspek ang kanyang lukbutan ay naispatan ng mga awtoridad ang mga pakete ng plastic.
Hindi na nakapalag pa ang suspek nang arestohin ng mga pulis at makuha mula sa kanya ang tatlong pirasong pakete ng hinihinalang shabu.
Kinompiska din ang kanyang motorsiklo at ang ang lukbutan (pouch) na kinalalagyan ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nakadetine sa Sta. Maria MPS Jail ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)