ni ROSE NOVENARIO
PUMALAG ang iba’t ibang personalidad sa inaprobahang P6.66 kada araw na ayuda ng administrasyong Duterte sa 50% pinakamahihirap na pamilyang Pinoy para makaagapay sa kada linggong paglobo ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
“Walang puso, walang malasakit ang gobyernong ito. Tingin sa tao ay kayang maibsan ang kahirapan sa halagang P200 lamang,” ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes, Jr.
Inianunsyo kahapon ni acting Presidential Spokesman Martin Andanar na inaprobahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Finance (DOF) na pagpapanatili ng excise tax sa mga produktong petrolyo at ang pagbibigay ng gobyerno ng P200 kada buwan o P6.66/ araw na ayuda sa singkuwenta porsiyentong pinakapobreng pamilyang Pinoy.
Sa Talk to the People kamakalawa ni Duterte, inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang pagpapanatili ng fuel excise tax ay pakikinabangan ng may 12 milyong pamilyang mahihirap sa bansa.
Itinuturing ni Reyes na insulto sa mahihirap ang naturang ayuda dahil hindi matutumbasan ang nawala nilang kita bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Tila wala sa realidad, aniya, ang economic managers ni Duterte gaya nina National Economic and Development Authority (NEDA) Director General and Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua at hindi batid ang kahirapang dinaranas ng mga mamamayan.
Giit ni Reyes, mas ‘sagrado’ ang buwis at mas importante sa mga economic manager ni Duterte ang pagbabayad ng utang at programang “Build,Build,Build” ng administrasyon kaysa ilalaman sa kumakalam na tiyan ni Juan dela Cruz.
“Ayaw nilang suspendehin ang buwis sa langis para naman mabigyang alwan ang mga tao. Para sa kanila, sagrado ang buwis at mas mahalaga ang pagbabayad ng utang at programang ‘build-build-build’ ng gobyerno. Aanhin ang ‘build-build-build’ kung wala nang makain ang mga tao?” sabi ni Reyes.
Ikinukubli aniya ng economic managers ang laki ng windfall revenues ng pamahalaan dahil sa ipinapataw na value added tax (VAT) sa langis ay ang bilyon-bilyong pisong napupunta sa pork barrel at pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na hindi naman kailangan.
“Hindi sinasabi ng economic managers na ang laki ng windfall revenues ng gobyerno dahil sa VAT sa langis. Hindi nila inaamin na bilyon-bilyong piso ang napupunta sa hindi naman kailangang gastusin tulad ng pork barrel at NTF-ELCAC funds,” ani Reyes.
“Ang economic managers, dapat nang magbitiw dahil wala silang malasakit sa tao. Si Duterte ay dapat singilin sa kapabayaan at kawalan ng pamumuno sa panahon ng napakatinding krisis,” dagdag niya.