ni ROSE NOVENARIO
NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na huwag pakialaman ang operasyon ng e-sabong dahil bilyones ang iniaakyat na pera sa pamahalaan.
Binigyan katuwiran ni Pangulong Duterte ang operasyon ng e-sabong sa kanyang Talk to the People kamakalawa ng gabi.
Ani Duterte, nauunawaan niya ang posisyon ng mga mambabatas kung batid sana nila ang laki ng halagang kinikita ng gobyerno sa operasyon ng e-sabong na kailangan sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
“Ang appeal ko lang sa mga congressman, ‘wag n’yo na lang anuhin ‘yan. Kumikita ‘yan, walang nakikinabang d’yan except Pagcor, ‘yung malalaking players na naglalaro talaga diyan,” sabi niya.
Nauna rito’y ipinadala ng Senado sa Malacañang at sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ang resolusyong nananawagan na isuspende ang operasyon ng e-sabong bunsod ng pagkawala ng 31 sabungero.
“Kaya ako dahan-dahan na hindi muna ako nag-react agad na sabihin na i-suspend because of the income that the government derives from allowing this kind of game to go online in public ,” ani Duterte.
“Mamimili ako ngayon, na mawala income by the billions. Sayang e, wala tayong pera. We’re short on money,” dagdag niya.
“Kaya ako pumayag pati sa POGO, I will admit talagang binigyan ko ng imprimatur. The only reason is because it gives income to government,” paliwanag niya.