Friday , November 15 2024
PCOO troll employees money

PCOO execs, nag-shopping ng puwesto

ILANG opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang naniguro na sila’y mananatili kahit iba na ang gobyerno, kaya tila ‘nag-shopping’ upang makakuha ng permanenteng puwesto.

Kabilang sa napaulat na nakasiguro ng permanenteng posisyon sa pamahalaan ay ang pamangkin ni Health Secretary Francisco Duque III na si Pebbles Duque, ang bagong talagang hepe ng Philippine Commission on Sports and Scuba Diving Office (PCSCD) sa ilalim ng Department of Tourism (DOT).

Nabatid na Director III ang plantilla position na nakuha ni Pebbles, as mababa sa dati niyang puwesto na Director IV bilang pinuno ng Bureau of Communications Services (BCS) sa ilalim ng PCOO.

Isang presidential appointee si Pebbles sa BCS kaya’t magwawakas din sana ang panunungkulan niya sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 30 Hunyo 2022 kung hindi siya nakalipat sa PCSCD.

Isa pang opisyal ng PCOO, si Philippine Information Agency (PIA) director-general Ramon Cualoping ay Career Executive Service Officer (CESO) III, ibig sabihin, mananatili rin siyang opisyal ng gobyerno kahit iba na ang pangulo ng bansa.

Kamakailan ay sumabit ang pangalan ni Cualoping nang i-fact check ng OneNews.ph ang ipinaskil niyang graphic sa Facebook kaugnay sa isang bahagi ng sagot ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa DZRH presidential interview.

“DZRH: Ano ang sasabihin mo kay Biden kung may CIA report na lulusubin ng China ang Pilipinas? at “Ibibigay ko kay Pres. Biden ang report.” – Leni Robredo. DZRHTV. February 2, 2022”

Ayon kay Cualoping, nagtaka siya sa sagot ni Robredo bilang nag-aambisyon susunod na maluluklok sa Palasyo.

Ang ipinaskil niyang mga komento ay may panawagan sa mga Pinoy na ang tugon ni Robredo ay magpapalala sa sitwasyon at lalong magpapagalit sa China kapag pinasali ang US.

Ilang netizens ang sumagot at tinawag si Robredo na ‘idiot” at ‘lutang na luting.’

“Needs context, misleading,” ang ibinigay na grado ng OneNews.ph sa FB post ni Cualoping na nakakuha ng 2,700 reactions at 957 shares hanggang noong 9 Marso 2022.

Batay sa OneNews.ph, ang facts ay tinanggal sa graphic ni Cualoping ang original premise ng mga tanong sa interview kay Robredo.

Batay sa DZRH interview, tinanong si Robredo kung sakaling siya na ang pangulo ng Filipinas, ano ang kanyang gagawin kapag nakatanggap siya ng report mula sa Central Intelligence Agency (CIA) na nagsasaad na nagbabalak ang China na sakupin ang Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS) bago ang kanyang pakikipagpulong kay US President Joe Biden.

Sinagot ito ni Robredo, titiyakin niyang sapat ang kagamitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng unang 100 araw niya upang maging handa kapag may banta sa seguridad ng bansa.

Sabi ni Robredo, may Mutual Defense Treaty (MDT) ang Filipinas at US kaya’t tutulungan tayo ng Amerika kapag may umatake sa bansa.

Sa follow-up question ay tinanong siya kung ano ang sasabihin ni Robredo kay Biden hinggil sa CIA report.

Tinugon ito ni Robredo na ibibigay niya ang ulat kay Biden at sa kanyang palagay ay hindi na kailangan ipaalala sa US president ang nilalaman ng MDT.

Iniulat noong 9 Marso 2022 na binura ni Cualoping sa kanyang Facebook account ang naturang graphic tungkol kay Robredo.

Magugunita, naging pamoso si Cualoping noong Setyembre 2016 matapos humingi ng paumanhin nang tadtarin ng negatibong reaksiyon ng netizens ang nilikha niyang birthday message ng Official Gazette sa paggunita sa ika-99 taong kaarawan ng diktador Pangulong Ferdinand Marcos na nagsasaad na bumaba sa puwesto si Marcos upang maiwasan ang pagdanak ng dugo taliwas sa katotohanan na pinatalsik siya ng EDSA People Power 1 revolution dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan, korupsiyon at paglabag sa karapatang pantao.

“The apology would not be from the office but from me personally. I think the apology would be more, because we’re not prudent enough given that, we will be more circumspect in the way we do things,” ani Cualoping na noo’y Assistant Secretary for Strategic Planning ng PCOO.

Habang noong Setyembre 2020, sa isang confidential memorandum, inimbestigahan ng tanggapan ni noo’y PCOO Undersecretary for Finance George Apacible si Cualoping bunsod ng COA Audit Observation Memorandum (AOM) No. 2019 – 05 na may petsang 04 Hunyo 2020 na kinuwestiyon ang P2,024,328.25 ginasta ng PIA chief noong siya’y assistant secretary at chief brand integrator ng PCOO. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

La Consolacion College Fire

Sa Mendiola, Maynila  
LA CONSOLACION NASUNOG EMPLEYADO SUGATAN

SUGATAN ang isang empleyado sa sunog na tumupok sa La Consolacion College, sa Mendiola St., …

Motorsiklo sinikwat tirador natunton sa mga kuha ng CCTV

Motorsiklo sinikwat ‘tirador’ natunton sa mga kuha ng CCTV

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos nakawin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Sta. …

Carlwyn Baldo

Kalusugan nalagay sa alanganin
LEGAL TEAM NI DARAGA MAYOR CARLWYN BALDO PINAG-AARALAN KASONG ISASAMPA LABAN SA NURSE  
Warden humingi ng paumanihin

PINAG-AARALAN ng kampo ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang kasong isasampa laban sa nurse ng …

Duterte Gun

Duterte aminadong pumatay ng 6 o 7 kriminal noong alkalde ng Davao City

INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Miyerkoles na pumatay siya ng anim o pitong …

111424 Hataw Frontpage

PH mistulang killing fields sa ‘Duterte drug war — Solon

ni GERRY BALDO NAGMISTULANG killing fields ng mga drug suspect at inosenteng sibilyan ang Filipinas …