NASAKOTE ng mga awtoridad nitong Linggo, 13 Marso, ang isang wanted person mula sa ibang lalawigan na ginawang kublihan ang bayan ng Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, naglatag ng manhunt operations ang tracker team ng Norzagaray MPS bilang lead unit, katuwang ang mga elemento ng Baliangao MPS ng Misamis Occidental PPO, upang arestohin ang most wanted person ng Baliangao na natukoy na nagtatago sa nabanggit na bayan.
Sa bisa ng bitbit na warrant of arrest, nasukol ang akusadong kinilalang si Jino Labindina, alyas Ginno Labindina, 58 anyos, na namamasukan bilang karpintero at mason sa Norzagaray.
Inilabas ang warrant of arrest laban sa akusado sa krimeng Frustrated Murder ni Presiding Judge Michael Lajoc ng Calamba RTC Branch 36, Misamis Occidental.
Kaugnay nito, kasabay na nasakote ng warrant officers ng Malolos CPS ang isa pang wanted criminal na si Kenneth Tumale sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide. (MICKA BAUTISTA)