ni ROSE NOVENARIO
UMAASA si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na isang abogado ang papalit sa kanya sa Palasyo dahil mahusay at matalas magdesisyon ang isang manananggol.
Inihayag ito ni Duterte sa panayam ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at akusado sa kasong child sex trafficking sa Amerika na si Pastor Apollo Quiboloy kamakalawa.
“Hindi naman ako nagsabi it’s the best quality, but one of the good qualities of a president, sana abogado. Isang tingin mo lang maka-decide ka na kaagad, and the repercussions, alam mo na kung ano. Whatever kind of — how would you say — issue or — alam mo na,” ani Duterte.
Tanging sina Vice President Leni Robredo at Jose Montemayor, Jr., ang mga abogado sa sampung presidential bets sa 2022 elections.
Nais din ni Duterte na ang susunod na pangulo ay magaling tumingin ng karakter ng tao.
“You are able to delegate powers because you know their character,” aniya.
Bukod sa isang abogado, magaling magtasa ng karakter ng tao, kailangan din na likas na mapagmahal at may malasakit sa kapwa ang susunod na pangulo, sabi ni Duterte.
“If there is somebody who would ask me on what it would be, sabihin ko, you must love the human being. Kailangan mahal mo talaga ang kapwa mo tao,” aniya.
“Kasi kami nagbiru-biruan [noon], sabi ko ‘paglaki ko, congressman ako.’ Sabi ng tatay ko, ‘No, first of all, kailangan mahal mo ‘yung tao,’” dagdag niya.
Ayon sa ilang political observers, maaaring hindi sina Robredo at Montemayor ang tinutukoy na abogado ni Duterte na kursunada niyang maluklok sa Malacañang pagbaba niya sa 30 Hunyo 2022.
May posibilidad umanong ang ipinahihiwatig ni Duterte na maging kapalit niya ay ang anak niyang si Davao City Mayor at vice presidential bet Sara Duterte na isang abogado.
Ito umano ay kung mangyayari ang senaryo na manalo ang anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pagkapangulo at si Sara bilang bise-presidente pero ididiskalipika ang kandidatura ni Marcos, Jr., ng Korte Suprema bunsod ng tax evasion conviction noong 1995.
Sakali aniyang nakapanumpa na si Marcos Jr., bilang bagong pangulo ng bansa at lumabas ang desisyon na disqualified presidential candidate siya, ang uupong presidente ay si Sara dahil siya ang nanalong bise-presidente sa halalan.
“Iyan ang senaryong dapat bantayan ng publiko, ang ‘abogadong presidente’ na nais ni Duterte ay posibleng si Sara,” pagtatapos ng source.
Noong Nobyembre 2022 ay tinawag ni Duterte na weak leader si Marcos, Jr.
Nauna rito’y inatake niya ang presidential candidate na cocaine user na mula raw sa mayamang pamilya, mahinang klaseng leader at kinuwestiyon ang ambag niya sa bansa.
Kahit katambal ni Sara si Marcos, Jr., ay walang plano si Duterte na iendoso siya bilang manok sa 2022 presidential derby.
Matatandaan ang ina ni Duterte na si Soledad “Nanay Soling” Duterte ay mahigpit na kritiko ng rehimeng Marcos at nanguna sa Yellow Friday Movement sa Davao City.