NABUWAG ang isang pinaniniwalaang drug den habang nadakip ng mga awtoridad ang dalawang nagpapatakbo nito kabilang ang isang kasabwat sa inilatag na drug raid bago maghatinggabi nitong Sabado, 12 Marso.
Magkatuwang na isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng PDEA Zambales Provincial Office, PDEU Zambales PPO, 2nd PMFC, at Subic police.
Kinilala ang mga arestadong suspek na sina Eduardo Delos Santos, 44 anyos; Lovelyn Buayes, 39 anyos, mga drug maintainer; at kasabwat na si Isaias Inoc, Sr., 54 anyos, pawang mga residente sa Purok 2, Brgy. Matain, Subic, Zambales.
Ayon sa operating teams, nabulaga ang mga suspek nang salakayin sila ng mga alagad ng batas dakong 11:25 pm, kamakalawa, sa loob ng barong-barong na ginawang drug den.
Nakuha sa operasyon ang apat na selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na halos 15 gramo at nagkakahalaga ng P103,500, iba’t ibang drug paraphernalia; at marked money.
Nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. (MICKA BAUTISTA)