MAGKAKASUNOD na nasukol ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga at isang wanted person na may kasong pagnanakaw sa isinagawang anti-criminality operations ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan mula Sabado hangang Linggo ng umaga (12-13 Marso).
Iniulat ni P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, nagresulta ang magkakahiwalay na buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units ng mga police stations ng Balagtas, Baliwag, Calumpit, Paombong at San Ildefonso sa pagkaaresto ng anim na hinihinalang tulak.
Kinilala ang mga suspek na sina Dennis Dizon at Rodel Dizon, kapwa mga residente ng Brgy. Santol, Balagtas; Gilbert De Guzman, alyas Bert, ng Brgy. Pulong Gubat, Balagtas; Aaron Serrano ng Brgy. Pungo, Calumpit; Noel Macarilla ng Brgy. Malipampang, San Ildefonso; at Tanny Hementera ng Bgry. Pagala, Baliwag.
Nasamsam ang kabuuang 20 paketeng plastic ng hinihinalang shabu at buy bust money mula sa mga suspek na nahaharap sa kaukulang mga kasong isasampa sa korte.
Samantala, nakorner ang isang wanted person na kinilalang si Mark James Santiago ng Brgy. Sto. Niño, sa isinagawang manhunt operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa krimeng pagnanakaw (Robbery).
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ang akusado ng kanyang arresting unit/station para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)