ni ROSE NOVENARIO
TULOY ang operasyon ng kontrobersiyal na e-sabong kahit may resolution ang Senado na suspendehin ang operasyon nito habang hindi pa nalulutas ang mga kaso ng pagkawala ng mga ‘sabungero,’ ayon sa Palasyo.
Sa nilagdaang memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea kamakalawa, inatasan ng Office of the President (OP) ang Philippine National Police (PNP) at ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkawala ng mga ‘sabungero.’
Inutusan ng Palasyo ang PNP at NBI na isumite ang resulta ng kanilang pagsisisyasat sa OP at Department of Justice (DOJ) sa loob ng 30 araw.
May direktiba rin ang Malacañang sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na imbestigahan ang anomang paglabag ng e-sabong licensees alinsunod sa ipinaiiral na terms of agreement.
Dapat tiyakin ng PAGCOR na sumusunod sila sa security and surveillance requirements na nakasaad sa Regulatory Framework for E-Sabong Off-Cockpit Betting Station, lalo ang paglalagay ng CCTV systems sa e-sabong gaming sites.
“Unless otherwise directed, the operations of
e-sabong licensees shall remain unaffected, pending the result of the above investigations,” sabi sa memorandum ni Medialdea.
Kaugnay nito, nadesmaya si Senate president at vice presidential bet, Vicente “Tito Sotto sa desisyon ng Malacañang na payagan magpatuloy ang operasyon ng e-sabong.
Wala na rin aniyang silbing umapela ang Senado sa pasya ng Palasyo
“It will be useless. Sapagkat sa totoo niyan, ako ay nalulungkot na ang PAGCOR dinala pa sa presidente ang usapin samantalang puwede ‘yun aksiyonan. What does it say?” ani Sotto.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kamakailan ay binatikos ng mga senador ang pahayag ni PAGCOR chairperson Andrea Domingo na nababahala siya sa magiging epekto kapag biglaan niyang sinuspende ang license to operate ng e-sabong gaya ng pagkawala ng P640 milyon kita ng gobyerno.
Anang mga senador, tila balewala kay Domingo ang buhay ng mga nawawalang sabungero at mas mahalaga sa kanya ang kikitain ng PAGCOR sa operasyon ng e-sabong.
Humarap din sa pagdinig ng komite ang negosyanteng si Atong Ang, may-ari ng Lucky 8 (Star Quest Inc.) isa sa e-sabong licensee at iniimbestigahan sa pagkawala ng mga sabungero na mariin niyang itinanggi.
Noong Abril 2017, nasangkot ang Meridian Vista Gaming Corp., ni Ang sa off-fronton betting at jueteng kahit ang permit to operate nito ng jai-alai ay sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Ang illegal booths ni Ang ang nagsisilbiling bolahan ng jueteng na yumabong dahil sa umano’y panunuhol sa mga kontak sa pulisya, lokal na opisyal, at korte.
Naging kakompetensiya ng illegal gambling operations ni Ang ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa kanyang talumpati noong Enero 2018, inamin ni Pangulong Duterte na kinompronta niya si Ang para ipatigil ang ilegal na gawain niya at papuntahin sa PCSO upang umayuda sa ahensiya.
Nakagirian naman ni Ang sa PCSO si noo’y general manager at retired military general Alex Balutan dahil gusto umano ni Ang na kontrolin ang STL sa buong bansa.
Tinanggihan umano ni Balutan ang alok ni Ang na P200-M kada buwan para makorner ang STL sa buong Filipinas.
Pero makaraan ang ilang buwan o noong Marso 2019, si Balutan ang sinibak ni Duterte dahil sa umano’y korupsiyon.
At noong Hulyo 2019, biglang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang gaming operations ng PCSO dahil sa umano’y grand conspiracy sa lahat ng players at participants .
Dinadaya umano ng players ang gobyerno at hindi nagbibigay ng karapat-dapat na share mula sa kita ng gaming operations kaya’t aabot sa 60 hanggang 70 percent na share ang nawawala sa gobyerno.
Makaraan ang apat na araw, binalik din ang lotto pero ang iba pang gaming operations ng PCSO ay pinaimbestigahan at isinailalim sa lifestyle check ang ilang opisyal ng ahensiya.
Walang balita sa naging resulta ng imbestigasyon.
Matatandaan, si Ang ay isa sa mga co-accused sa kasong plunder ni dating Pangulong Joseph Estrada at nasentensiyahan ng anim na taong pagkakulong, ngunit tumakas at nagtago sa US.
Naging PAGCOR consultant si Ang noong rehimeng Estrada, ang kompanya niyang Power Management and Consultancy ay binayaran ng P500,000 kada araw, bukod sa bonuses.
Ang isa niyang kompanya na Prominent Management and Marketing ay naging ‘consultant’ ng Pagcor sa Bingo 2-Ball, legal na prente ng jueteng na naging ugat ng alitan nila ni Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.
Nadakip si Ang sa Las Vegas noong 2001, nakulong ng isang taon at lumaya lamang matapos pumasok sa plea bargain, isinauli ang P25-milyon na kinuha sa P130-milyong tobacco excise tax bago ini-deliver kay Estrada.