ARESTADO ang isang lalaking nakatala bilang most wanted person (MWP) sa city level dahil sa kasong panggagahasa, kabilang ang 10 iba pang pinaghahanap ng batas, at dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa pinalakas pang kampanya ng pulisya laban sa krimen sa lalawigan ng Bulacan, hanggang nitong Martes, 8 Marso 2022.
Sa ulat mula kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang MWP ng lungsod ng San Jose del Monte sa pagtutulungan ng tracker teams ng San Jose Del Monte City Police Station (CPS), 2nd PMFC, 301st MC RMFB-3, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan, at 3rd SOU-Maritime Group.
Kinilala ang akusadong si Joshua Evangelista ng Brgy. San Rafael IV, sa naturang lungsod na inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Ma. Cristina Geronimo Juanson ng SJDM Regional Trial Court Branch 5FC para sa kasong rape.
Naglatag din ng serye ng manhunt operations ng warrant officers ng CIDT Bulacan PFU, mga police station ng Balagtas, San Miguel, Bocaue, Sta.Maria, Guiguinto, at San Jose del Monte, 1st at 2nd PMFC, at 301st MC RMFB3, na nagresulta sa pagkaksakote ng siyam na indibidwal na dapat managot sa batas.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Arnel Querol, Jr., sa paglabag sa RA 9262; Evelyn Bordios sa paglabag sa RA 7610; Ken Toledano sa kasong Acts of Lasciviousness; Blezette Victoria alyas Bless, Slight Physical Injuries; Carlo Concepcion, sa paglabag sa RA 9262; Henio Abogado, Attempted Homicide; Bernhard Johnny Bautista, Attempted Homicide; Alona Esplana, Slight Illegal Detention; at Myrna Pailaga, Slight Illegal Detention.
Samantala, nagresulta ang ikinasang anti-drug buy bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Jose del Monte CPS sa pagkaaresto ng dalawang hinihinalang tulak na sina Abel Paguiligan ng Brgy. Caniogan, Malolos; at Hilario Ortiz, Jr., alyas Unyo ng Brgy. San Jose, Plaridel.
Nakuha mula sa kanilang pag-iingat ang kabuuang 12 pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money na ginamit sa operasyon. (MICKA BAUTISTA)