NASAKOTE ng mga awtoridad ang dalawang lalaki dahil sa ilegal na pamumutol ng puno ng Buli sa Brgy. San Mateo, sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 8 Marso.
Sa inilatag na Oplan Kalikasan ng CIDT Bulacan, katuwang ang mga tauhan ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. San Mateo, nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Elvis Domingo, 33 anyos, chainsaw operator, residente sa nabanggit na barangay; at Leo Dela Cruz, 36 anyos, helper, residente sa Brgy. Carajume, San Jose Del Monte.
Napag-alamang ang mga suspek ay naaktohan na nagpuputol ng puno ng Buli gamit ang hindi lisensiyado at tampered serial number chainsaw.
Sinabing ito ay paglabag sa RA 9175 o Chainsaw Act of 2002.
Nakompiska sa pag-iingat ng mga suspek ang ginagamit na chainsaw, may tampered/defaced serial number at 100 board feet ng pinutol na puno. (MICKA BAUTISTA)