NADAKIP ang isang lalaki matapos akusahan ng pagpatay sa isa niyang kabaranggay sa bayan ng Angat, sa lalawigan ng Bulacan, habang nakatakas ang kaniyang kasabwat nitong Martes, 8 Marso.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, inaresto sa follow-up operation na ikinasa ng mga tauhan ng Angat Municipal Police Station (MPS) ang suspek na kinilalang si Alfie Bantog, 34 anyos, isang driver, at residente sa Brgy. Banaban 1st, sa nabanggit na bayan, habang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na kasabwat.
Lumilitaw sa imbestigasyon, bago ang insidente, ayon salaysay ng anak ng biktima, umalis ng bahay ang kanyang ama upang mag-ani ng talong sa kanilang tumana.
Ilang minuto pa lamang ang nakararaan ay nakarinig na siya ng maraming putok ng baril sa lugar ng kanyang ama sa plantasyon ng talong.
Dito niya nakita ang ama na susuray-suray na umuwi ng bahay at tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad isinugod ang biktima sa Norzagaray Municipal Hospital ngunit idineklarang patay na nang idatong sa ospital.
Itinuro ng ilang saksi ang suspek na siyang sangkot sa naganap na krimen kaya mabilis na naaresto ng mga tauhan ng Angat MPS. (MICKA BAUTISTA)