NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang mahigit sa P122,000 halaga ng marijuana mula sa dalawang hinihinalang tulak kasabay ang pagkakadakip sa 14 iba pang personalidad sa droga sa serye ng mga operasyong isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Lunes, 7 Marso.
Sa ulat kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, nasamsam ng anti-drugs operatives ng Marilao Municipal Police Station (MPS) ang tinatayang P122,169 halaga ng hinihinalang marijuana na may timbang na 1,018 gramo.
Inaresto ang mga suspek na kinilalang sina John Rupert Santos ng Brgy. Lambakin, at Arnold Julius Sangle ng Brgy. Loma de Gato sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Patubig, pawang sa bayan ng Marilao.
Gayondin, nasukol ang may kabuuang 11 hinihinalang mga tulak sa serye ng anti-drug busts na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police stations ng Bulakan, Bocaue, Baliwag, Bustos, Hagonoy, at Angat.
Gagamiting ebidensiya ang nakompiskang 37 pakete ng hinihinalang shabu, sari-saring drug paraphernalia, at buy bust money na ginamit sa operasyon.
Samantala, arestado rin ng mga tauhan ng Malolos City Police Station (CPS) si Alexander Operio sa inilatag na Oplan Sita sa Brgy. Guinhawa, sa lungsod.
Pinilit ng suspek na umiwas sa paninita ngunit naaresto siya sa pagtugis ng mga awtoridad at nasamsaman ng isang nakabilot na papel na naglalaman ng pinaniniwalaang marijuana. (MICKA BAUTISTA)