Friday , November 15 2024
Martin Andanar

Bilang acting presidential spox
ANDANAR ‘NANGAMOTE’ SA UNANG PRESS BRIEFING

NAGMISTULANG estudyante na hindi tinapos ang kanyang assignment sa bahay bago pumasok sa klase ang unang araw ng pagharap sa media ni Communications Secretary Martin Andanar bilang bagong acting presidential spokesperson kahapon.

Sa Palace press briefing kahapon, napuna ng ilang mamamahayag na anim na beses sinagot ni Andanar ng “We will defer to…” o ipinapasa sa ibang ahensiya ang responsibilidad ng pagsagot sa katanungan sa kanya ng ilang reporter kaugnay sa mga napapanahong isyu.

Halimbawa rito ang tanong kung may conflict of interest/s sa pagtalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Atty. George Garcia bilang bagong commissioner sa Commission on Elections (Comelec) gayong naging election lawyer siya ng anak ng diktador at presidential bet Ferdinand Marcos, Jr., sa electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.

“We will defer this question to the COMELEC body,” sagot ni Andanar.

Makalipas ang ilang minuto at mahigit sampung iba pang katanungan ay binalikan niya ito at ipinagtanggol ang appointment ni Garcia sa poll body.

“Oh yeah, I’m sorry I didn’t get that question correctly. Pero alam mo, Pia, dumaan iyan sa vetting process at dapat respetohin natin ang prerogative ng Pangulo na pumili nang itatalaga diyan. Again, hindi naman ito basta lang, basta-basta lang na pinipili. Napakahabang proseso at mayroong mga vetting process. You know, it’s not easy to choose an appointee na tatagal sa isang quasi-judicial independent body like the Comelec,” ani Andanar.

Nang tanungin siya kung dadalo si Pangulong Duterte sa gaganaping ASEAN special session sa US bago matapos ang kasalukuyang buwan, ang sagot niya, “We had a discussion last night but I would like to defer this to the Department of Foreign Affairs.”

Inusisa rin siya kung ano ang ibig sabihin ni Pangulong Duterte sa babala na maaaring magkaroon ng problema sa implementasyon ng “joint development of resources” ng Filipinas at China sa Recto Bank, na bahagi ng exclusive economic zone ng bansa sa West Philippines Sea (WPS).

“The Recto Bank… Well you know, as we all know, maraming mga [garbled] na beyond our control especially in the disputed areas of the Republic of the Philippines. Now let me defer that question to the Department of Foreign Affairs dahil sila po talaga mismo, Ivan, ang mayroong responsibility pagdating po sa pagsagot sa mga tanong that has got to do with the national interest and of course, you know, iyong ating mga interes na nagda-diverge with the interests of the other nations,” wika ni Andanar.

Kaugnay sa tanong na kailangan bang may insurance with CoVid-19 coverage na $35,000 ang isang dayuhan na papasok ng Filipinas kahit kasama ang asawang Pinoy, ayon kay Andanar, “You know, let me defer that to the authorities. You know, as far as we are concerned, you know, the Department of Foreign Affairs, sila po ang dapat sumagot sa mga ganoong tanong.”

Makaraan muli ang ilang minuto at iba pang tanong ay binalikan niya ang isyu at sinagot ito ng,

“Yes, you must have travel insurance. Foreign spouse of a Filipino citizen traveling to the Philippines must obtain prior to arrival a travel insurance of COVID-19 treatment costs from reputed insurers with a minimum coverage of $35,000 for the duration of their stay in the Philippines.”

May tatlong beses siyang inurirat kung ano ang kahulugan ng sinabi ni Pangulong Duterte kaugnay sa gas exploration project sa Recto Bank at mga detalye ng kasunduan, sabi ni Andanar,” Yeah, I think we need to defer that to the Department of Energy.”

Ipinakokompirma rin sa kanya kung naurong ang ASEAN Summit sa Abril, wika ni Andanar, “A s I said earlier, it’s been discussed in a huddle last night. I will defer to the Department of Foreign Affairs kung ano po ang magiging pahayag na opisyal ng ating pamahalaan.”

Ipinasa niyang muli sa DOE ang pagsagot kung pakikinggan ni Pangulong Duterte ang panawagan na magdeklara ng state of economic emergency upang magamit ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund para makaagapay sa epekto ng patuloy na paglobo ng presyo ng produktong petrolyo.

“Ayaw kong pangunahan ang ating mahal na Pangulo. Ang tamang ahensiya o departamento na dapat ay magbigay ng rekomendasyon ay ang Department of Energy. So hintayin po natin kung ano ang magiging takbo ng panahon dulot ng gulo riyan sa Ukraine at Russia,” sabi ni Andanar.

Ipinaubaya niya ulit sa DOE ang pagtugon hinggil sa usapin ng posibleng source ng cleaner renewable energy sa bansa.

“Lahat ng alternative sources of energy be that from solar, from gas, from under the sea ay makakatulong po sa ating mga Filipino. You know, energy is a problem that is not exclusive to the Philippines. Ang buong mundo ay kailangan ng sapat na enerhiya. So further details of the Department of Energy plans to exhaust all resources that we have, we’ll leave it up to them,” aniya.

Pangunahing papel ng isang presidential spokesperson ay magsalita para sa Pangulo ng bansa na may kaugnayan sa public interest at mga direktiba ng Punong Ehekutibo kaya’t dapat ay laging handa at hasa ang tagapagsalita sa samot-saring usapin at maiinit na isyu sa lipunang Filipino.

“Kung walang makakatas ang media sa tagapagsalita ng Pangulo, anong klaseng impormasyon ang makukuha ng publiko mula sa Palasyo?” sabi ng isang betaranong Palace reporter.

Inianunsiyo ni Andanar na magsisilbing deputy presidential spokesperson si Communications Undersecretary Kris Ablan, isang abogado at director ng Freedom of Information (FOI) Management Office.

Matatandaang naging kontrobersiyal si Ablan nang batikusin ng netizens sanhi ng kanyang komento laban sa anak ni Kris Aquino na si Bimby.

Sa isang artikulo na may titulong “Kris Aquino on future daughter-in-law: “She’s not getting any of my bags” na ipinaskil sa Facebook ay nagkomento si Ablan ng “E son-in-law?”

“I didn’t know she doesn’t have a daughter,” dagdag ni Ablan.

Makaraang ulanin ng batikos ay humingi siya ng paumanhin sa kanyang ginawang “gender microagression.” (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

La Consolacion College Fire

Sa Mendiola, Maynila  
LA CONSOLACION NASUNOG EMPLEYADO SUGATAN

SUGATAN ang isang empleyado sa sunog na tumupok sa La Consolacion College, sa Mendiola St., …

Motorsiklo sinikwat tirador natunton sa mga kuha ng CCTV

Motorsiklo sinikwat ‘tirador’ natunton sa mga kuha ng CCTV

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos nakawin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Sta. …

Carlwyn Baldo

Kalusugan nalagay sa alanganin
LEGAL TEAM NI DARAGA MAYOR CARLWYN BALDO PINAG-AARALAN KASONG ISASAMPA LABAN SA NURSE  
Warden humingi ng paumanihin

PINAG-AARALAN ng kampo ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang kasong isasampa laban sa nurse ng …

Duterte Gun

Duterte aminadong pumatay ng 6 o 7 kriminal noong alkalde ng Davao City

INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Miyerkoles na pumatay siya ng anim o pitong …

111424 Hataw Frontpage

PH mistulang killing fields sa ‘Duterte drug war — Solon

ni GERRY BALDO NAGMISTULANG killing fields ng mga drug suspect at inosenteng sibilyan ang Filipinas …