NAGSIMULA nang maglabas ng lokal na pondo ang pamahalaang lungsod ng Navotas upang makompleto ang P8,000 Bayanihan 1 Social Amelioration Program (SAP) 2nd tranche para sa 4,986 pamilyang Navoteño.
Ang mga benepisaryo ay nakatanggap ng P3,000 bawat isa sa pamamagitan ng SAP-LOLO Program (Saklolo Para sa mga Navoteñong Kulang ang Natanggap na 2nd Tranche SAP mula sa DSWD-NCR).
“Ito na po ang ipinangako namin pagkatapos ng meeting sa DSWD NCR. Three weeks po ang hiningi namin noon pero nagmadali po talaga kami dahil alam naming matagal n’yo na itong hinihintay,” ani Mayor Toby Tiangco.
Ang unang payout ay inilabas sa 3,105 benepisaryo na nakatanggap ng kanilang P5,000 cash aid noong October 2021 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Nitong 12-13 Marso, 1,881 benepisaryo, na sumailalim sa validation noong Disyembre at kinompirma ng DSWD NCR na hindi pa nakatatanggap ng kanilang pangalawang tranche, ay makatatanggap ng kanilang P3,000 emergency subsidy mula sa pamahalaang lungsod.
Noong nakaraang taon, naglaan din ang Navotas ng P32,417,000 at P26,558,000 para madagdagan ang ECQ Ayuda mula sa pondo ng national government at matulungan ang mga constituent na hindi kasama sa listahan ng mga benepisaryo. (ROMMEL SALES)