ni ROSE NOVENARIO
INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maipatutupad ng kanyang administrasyon ang 2016 arbitral ruling na pumabor sa Filipinas laban sa pangangamkam ng China sa mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
“Just to remind everybody to stay cool, chill ka lang. Maybe it’s not in our generation maso-solve natin itong problema sa China. We don’t know what the future holds pero at this time, relax lang tayo…Do not tempt the gods and look for trouble that we cannot maybe handle, mahirapan tayo,” ayon kay Duterte sa kanyang Talk to the People kagabi.
Ang pahayag ni Duterte ay taliwas sa paulit-ulit niyang sinabi na “There will be a time that I will invoke the arbitral ruling.”
Imbes arbitral ruling, ang implementasyon ng “joint development of resources” ng Filipinas at China sa Recto Bank ang kursunada ni Duterte bago bumaba sa puwesto sa 30 Hunyo 2022.
Ang Recto Bank ay sakop ng exclusive economic zone ng Filipinas sa WPS.
“So many flashpoints… We do not need it. Hindi natin kailangan makipag-away diyan, sundin lang ninyo kung anong pinag-usapan noon, it’s a matter of honor, consensual talk tapos may written agreement,” aniya.
Ayon kay Duterte, may isang contractor na hindi niya tinukoy ang nais umanong mag-take-over sa exploration project sa Recto Bank.
“Ipinaalala sa akin, hindi ko na sabihin kung sino. From China, sabi niya, ‘di ba may usapan tayo na joint development with Recto Bank. May bagong istorya na may papalit na,” aniya.
“Alam mo, I can only talk for this time that we are here, during my administration. Binulungan ako na ‘wag gano’n, iyong original contract natin, sundin natin,” dagdag niya.
“‘Pag iniba ‘yan, mas delikado, hindi mangyari sa akin ‘yan kasi ayaw ko, ayaw kong ibahin kasi ‘yun ang pinag-usapan namin sa panahon ko.”
Sinabi umano sa kanya ng source niya, may plano ang Filipinas na magtalaga ng mas maraming sundalo sa Recto Bank na mariin niyang itinanggi.
“Sabi ko, wala naman kami balak magdala ng sundalo. kung magpadala kayo ng sundalo, magpadala rin kami ng sundalo. ‘Yan ang iniiwasan ko noon pa e. Tapos magkakagera tayo rito… iyong Ukraine. Iyong Taiwan gusto agawin ulit ng China. Tapos dito,” sabi ni Duterte.
Matatandaan noong 2018 ay lumagda ang Filipinas at China sa isang memorandum of understanding (MOU) on cooperation on oil and gas development in the South China Sea, na may kasamang bahagi ng WPS.
Napaulat noong nakaraang taon na ang Udenna Energy Corp., na pagmamay-ari ni Dennis Uy, isang Duterte crony, ay nagsumite ng bids para sa nominated areas 7 at 8 ng Recto Bank.
Batay sa Department of Energy study, ang Recto Bank ay nagtataglay ng natural gas na nagkakahalaga ng $19.9 bilyon at langis na nagkakahalaga ng $2.1 bilyon.
Ayon sa mga eksperto, ang mga reserba ng Recto Bank ay may kakayahang mag-supply sa Filipinas ng natural gas at langis sa loob ng isang siglo.