ARESTADO nitong Sabado, 5 Marso, sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan, ang isang security guard matapos ireklamo ng isang babaeng pinagbantaan niyang ikakalat ang malalaswang larawan sa social media.
Ikinasa ng mga tauhan ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS) ang entrapment operation sa Brgy. Matimbubong, sa nabanggit na bayan laban sa suspek na kinilalang si Alfredo Peralta, 60 anyos, isang security guard mula sa Brgy. Tibagan, Bustos.
Dinakip si Peralta dahil sa paglabag sa Article 282 Grave Threat kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nabatid na mahilig makipag-chat sa social media ang suspek, sa kabila ng kaniyang edad, idinaraan niya sa pambobola ang mga babaeng nakakausap upang magpadala sa kaniya ang ka-chat hanggang bumigay at magpadala ng malalaswang larawan.
Lumitaw sa imbestigasyon, pinagbantaan ng suspek ang huli niyang biktima (hindi na pinangalanan) na ipakakalat ang malalaswa niyang larawan sa social media kung hindi magbibigay ng hinihingi niyang pera.
Hindi nasiraan ng loob ang biktima at nagsadya siya sa himpilan ng San Ildefonso MPS na agad nagkasa ng entrapment operations na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek. (MICKA BAUTISTA)