AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
“Candidates who ask for debate topics ahead of time ‘have nothing between their ears’.”
Ito ang tawag ni retired University of the Philippines (UP) Professor Clarita Carlos sa mga kandidato na humihingi (in advance) ng isyu (topic) kung ano ang tatalakayin sa isang political debates.
Nabanggit ito ng propesor sa isang TV interview nang tanungin kung anong masasabi niya kaugnay sa ganitong klaseng kandidato.
“Nothing between their ears.” Ano ba ang ibig sabihin ng idiomatic expressions na ito? Ayon kay Mr Webster (dictionary) ang ibig sabihin ng kataga ay mabigat o nakaiinsulto…
“To be rather stupid, dull, or dimwitted; to have not common sense or basic intelligence.”
Gets n’yo my dear readers? Kaya kapag sinabing isa kang ganitong uring nilalang, Naku po! Masakit at nakaiinsulto, E ‘di ka naman sasabihan ng ganito kung ikaw ay may common sense o ‘ika nga sa wika natin sentido komun.
Walang pinatatamaang kandidato ang propesor nang sabihin niya iyon, sa halip iyon ay reaksiyon niya sa tanong.
“For God’s sake, I have been teaching for 55 years, if you were my student, am I going to give you my final exam questions? Tell me,” pahayag ni Carlos sa television interview sa kanya nitong 2 Marso.
Bagamat, naging isyu ang “requested advance topic/s” makaraang magpalabas ng nakatatawang statement ang Commission on Elections (Comelec). Iimpormahan ng ahensiya ang presidential candidates kung ano ang kanilang magiging isyu na tatalakayin sa nakatakdang debate.
Ano!? Magpapaeksamin ka tapos magbibigay ka ng leakage? Perfect! Pasado ang lahat.
Ano pa man, ang desisyon ng Comelec lang naman ay tugon este (tugon nga ba?), makaraang humiling ng pabor ang kampo ni dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tumatakbong presidente laban kay Vice President Leni Robredo, na kung maaari ay bigyan sila ng ahensiya ng mga maaaring tatalakayin sa debate.
Ganoon ba? Iyan ang wais at wala nang kahirap-hirap sa pagre-review. At least nakahanda o napaghahandaan na. Hehehe…
Nauna nang nagpahayag ang tropa ng Marcos na ang kanilang partisipasyon sa debate ay depende sa kung ano ang magiging format at isyu na tatalakayin sa debate.
Take note po ha, ang lahat ng presidential candidates ay nagkompirma na sisipot sa debate sa 19 Marso 2022 maliban sa kampo ni Marcos. Bukod tanging ang kampo ni Marcos lang ang humiling na kung maaari ay bigyan muna sila ng mga impormasyon kung ano ang mga tatalakaying isyu bago ang nakatakdang debate.
Bagamat, sinabi ng tagapagsalita ng kampo ni Marcos na kaya hindi pa nila makompirma kung makasisipot si Marcos dahil magdedepende pa sila sa schedule ng kanilang kandidato sa araw ng debate.
“You know, you are threatening to be the president of the republic of 110 million people, and what are you reading?” dagdag ni Propesor Carlos.
“You should know the regional configurations, you should know things about the domestic concerns,” pahayag si Carlos.
“So why [ask what topics to be discussed]? You are not just selling ‘taho’ in the street for God’s sake,” pagkadesmaya ni Professor Carlos.
Sa kabili nito, inilinaw din ni Carlos na hindi puwedeng obligahin ang sino man para siputin ang isang debate.
Napaulat na karamihan sa imbitasyon kay Marcos para sa formal interviews at debate ay hindi niya pinaunlakan, na ang lahat ng presidential candidates ay sumipot, maliban sa isa debate na itinaguyod ng television channel ni Pastor Apollo Quiboloy na nagpapakilalang “Appointed Son of God.”