PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
GINAWARAN ng pagkilala ang NET25 sa isinagawang Global Trends Business Leaders Awards 2022 bilang Truthful and Honest Broadcasting Company of the Year dahil sa patas at totoong balita at mga impormasyon na inihahatid nito sa komunidad lalo na sa panahon ng pandemya.
Lubos namang nagpapasalamat ang NET 25 sa parangal na ito at nangangakong ipagpapatuloy ang paghahatid ng totoong balita at impormasyon sa mga manonood.
Isa ang NET 25 sa TV networks sa buong bansa na patuloy na naghatid ng balita at impormasyon kasama na ang entertainment ngayong pandemya. Sa kabila ng nagsusulputang fake news lalo na sa online, napapanatili ng NET 25 ang tunay at mapagkakatiwalaang impormasyon at mga balita na dapat maihatid sa mga manonood.
Bukod sa NET 25, tumanggap din ng awards ang ilang social media personalities, mga kompanya at mga indibidwal na nagkaroon ng malaking ambag sa komunidad lalo na ngayong COVID-19 pandemic.