DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki dahil sa paglabag sa ipinatutupad na Omnibus Election Code pati ang 15 iba pa sa walang humpay na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 1 Marso 2022.
Ayon kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang dalawang suspek na sina Raymundo Chee, alyas Raymond, ng bayan ng Pandi; at kasapakat na si Arjohn Fabian, alyas AJ, ng Brgy. Pulong Gubat, Balagtas, kapwa nasakote sa ikinasang buy bust operation ng mga elemento ng Pandi Municipal Police Station (MPS).
Nang siyasatin ang dalawang suspek, nasamsam mula kay Chee ang isang pakete ng hinihinalang shabu, isang belt bag, at minamaneho niyang tricycle.
Samantala, narekober sa pag-iingat ni alyas AJ ang isang pakete ng hinihinalang shabu, isang kalibre 9mm pistola, magasin, tatlong bala, at motorsiklo.
Nahaharap ang dalawa sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 gayondin ang paglabag sa umiiral na gun ban kaugnay ng Omnibus Election Code.
Samantala, nasukol ang walong indibiduwal sa anti-illegal drug operations na inilatag ng mga Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga himpilan ng Bocaue, Hagonoy, Pandi, San Rafael, at Sta. Maria.
Kinilala ang mga suspek na sina sina Jonas Benedict Dela Cruz, alyas JB; Mark Jerian Gregorio; Diether Balatbat; Jayson Manaoag; Louie Calapati, alyas Angas; Victor Dalisay, alyas Vic; Jeffrey Ferrer, alyas Apro; at Dave Ong.
Nakompiska mula sa kanila ang may kabuuang 16 pakete ng hinihinalang shabu, pitong pakete ng tuyong dahon ng marijuana, belt bag, at buy bust money.
Samantala, naaresto ang anim na pugante sa manhunt operation na isinagawa ng tracker teams ng Angat, Bustos, Norzagaray, Sta. Maria, Provincial Intelligence Unit (PIU), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), HPT Bulacan, at 2nd PMFC.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Reicelle Biares ng Bgry. Bonga Mayor, Bustos para sa Qualified Theft; Gloria De Ocampo ng Brgy. Tigbe, Norzagaray; Jeyhan Mariano ng Brgy. Guyong, Sta. Maria, kapwa arestado sa kasong Estafa; Joey Rodriguez ng Brgy. Marungko, Angat sa paglabag sa RA 7610 (Child Abuse Law); Antonio Santiago, Jr., ng Brgy. Sto. Cristo, Angat sa paglabag sa RA 9165 (Dangerous Drug Act); at Larry Barrun ng Brgy. Bitungol, Norzagaray para sa tatlong bilang ng kasong Lascivious Conduct Under Sec. 5 (B) of RA 7610. (MICKA BAUTISTA)