NANAWAGAN si dating PNP chief at senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar sa pamahalaan na agad ihanda ang mga posibleng remedyo sa magiging epekto ng labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine sa ekonomiya ng Filipinas.
Ginawa ni Eleazar ang panawagan matapos bumisita sa isang palengke sa Bacolod City at nakadaupang-palad ang mga vendor at consumers na naghayag ng hinaing sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Sa palengke natin naririnig ang pulso ng ating mga kababayan sa araw-araw nilang laban sa buhay. At isa ito sa talaga nating pinupuntahan dahil dito nakakausap natin ang mga kababayan natin nang direkta at nalalaman ang kanilang mga hinaing at pangangailangan,” ani Eleazar.
Karamihan aniya sa mga residente ay umaaray na sa pagsipa ng presyo ng local goods at iba-ibang produkto.
“Sa tingin ko, malaki talaga ang magiging epekto sa ating ekonomiya ng nangyayaring gulo sa Europa sa pagitan ng Russia at Ukraine. Dapat ay kumilos na ang gobyerno para magplano at gumawa ng hakbang upang ma-offset ang biglang taas presyo ng mga bilihin,” ani Eleazar.
Ayon sa economic advisers ni Pangulong Duterte, maaapektohan ng military invasion ng Russia sa Ukraine ang pandaigdigang suplay ng enerhiya dahil malaking producer ng petrolyo ang una, at maaari itong magdulot ng panibagong record-high inflation rate sa Filipinas.
Sinabi ng mga eksperto, sa kasagsagan ng labanan ay maaaring bawasan ng Russia, na nagpo-produce ng 10 million barrels ng langis kada araw, ang pagbebenta nito sa ibang bansa.
Ayon kay Eleazar, oras na mangyari iyon ay mababawasan ang suplay ng petrolyo at mapupuwersa ang mga kompanya, kabilang ang mga nasa Filipinas, na magtaas ng presyo.
“Kalimitang ang mga nagbabagsak ng mga isda, karne, gulay at iba pang produkto sa mga palengke ay nagpapatong agad ng dagdag-presyo dahil sa krudo na kanilang kinokonsumo. Ang ending, mas mataas ang presyo ng mga bilihin dahil babawiin ito ng mga tindero at tindera kaya ang kawawa sa huli ay ang mga consumer,” ani Eleazar.
“Kapag nagkataon, isa sa maaaring solusyon na dapat pag-aralan ng gobyerno ay ang suspensiyon ng excise tax sa langis although pwede rin magkaroon ng repercussions sa ating ekonomiya in the long run,” aniya.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, nasasaad na P10 ang excise tax para sa bawat litro ng gasolina, P6 kada litro ng diesel, at P5 kada litro ng kerosene.
Pinaniniwalaang kapag tinanggal ito ay bababa ng P5 hanggang P6 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Pero ayon sa Department of Finance, mauuwi ito at aabot sa P147 bilyong kawalan sa revenue ng gobyerno.
“Mainam na pag-aralan ito ng ating gobyerno para makapag-decide kung ano ang best solution. Sa nakikita ko, ang suspension ay isang temporary o band aid solution para hindi ma-overwhelm ‘yong ating PUV drivers at operators. Isa rin ang transport sector sa pinakakawawa kapag nagkataon,” ani Eleazar.
Bukod sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ihinayag din ng mga residente ng Bacolod kay Eleazar ang pangamba sa pagtaas ng presyo ng tinapay.
Ang Ukraine ay isa naman sa mga pinakamalaking supplier of wheat o trigo, at nagpo-produce ng 25 porsiyento ng pandaigdigang supply. Dahil sa labanan, inaasahang maaapektohan ang produksiyon ng wheat, na pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.
“Isa sa paboritong almusal ng mga Filipino ang pandesal kaya kung magmamahal din ang presyo nito, marami sa ating mga kababayan ang maaapektohan. Dapat ay magplano ang Department of Trade and Industry para matugunan ang demand para sa trigo at maibsan ang epekto ng taas-presyo nito,” ani Eleazar.
Tiniyak ni Eleazar na magpapasa siya ng mga batas para sa kapakanan ng mga vendor at consumers kapag nahalal sa Senado. Tumatakbo siya sa ilalim ng Partido Demokratiko sa May 9 elections. (ALMAR DANGUILAN)