ni ROSE NOVENARIO
UMABOT sa P3.8 trilyon ang nawala sa ekonomiya ng Filipinas bunsod ng dalawang taong CoVid-19 pandemic.
Iniulat ito ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People kagabi.
Ayon kay Chua, dahil sa pandemya, nawala ang P1.3 trilyong household income, P2.2 trilyon corporate income at P0.3 trilyon indirect taxes.
Sa pag-iral ng Alert Level 1 sa 39 lugar sa buong bansa, simula ngayon ay tinataya aniyang magkakaroon ng P16.5 bilyon economic activity kada linggo, P5.2 bilyon sa sahod bawat linggo at mababawasan ng 297,000 ang walang trabaho sa susunod na tatlong buwan.
Inirekomenda ni Chua ang ganap na pagbubukas ng lahat ng paaralan sa bansa para sa face-to-face classes dahil magpapalakas ito ng economic activity ng P12 bilyon kada linggo sanhi ng pagbabalik ng operasyon ng mga serbisyo sa paligid ng mga eskuwelahan gaya ng transportasyon, food stalls at school materials.
Nagbalangkas aniya ang National Economic and Development Authority (NEDA) ng 10-point policy agenda upang palakasin at mapanatili ang pagbangon ng ekonomiya sa 2022 at hanggang sa mga susunod na taon.