HINIKAYAT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga testigo sa naganap na pagdukot at pagkawala ng may 31 sabungero na lumutang na at makipagtulungan sa mga awtoridad upang hindi sila madamay at maharap sa kaso.
Ayon kay Año, mas madaling mareresolba ang naturang mga kaso sa lalong madaling panahon, kung makikipagtulungan ang mga testigo sa imbestigasyong isinasagawa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
“Sa tingin ko, maso-solve na rin ito sa lalong madaling panahon. Ang hinihintay lang natin dito lumabas pa ‘yung witnesses,” pahayag ng kalihim sa isang panayam sa radyo.
“Hinihikayat natin ‘yung mga may alam, ‘yung involved diyan ano, lumabas na kayo. Mag-volunteer na kayo kasi sooner ay kakasuhan kayo. Delikado ‘yan, ‘yan ay 31 counts ng kidnapping,” babala niya.
Una nang sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na naghain ang PNP ng reklamong obstruction of justice laban sa management personnel ng mga cockfight arenas dahil sa pagkawala ng mga naturang sabungero.
Sa isinagawang Senate hearing ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Huwebes, sinabi ng ama ng isa sa mga nawawalang sabungero na ang mga guwardiya umano mismo ng Manila cockfight arena ang kumuha sa kanyang anak.
Inimbitahan ang mga security personnel ng cockfight arena sa pagdinig ng Senado ngunit hindi dumalo.
“Masyadong sobra ito dahil… 31 buhay ito at 31 pamilya ang naapektohan at naghahanap ngayon at hindi makatulog,” giit ng kalihim.
Umapela rin ang opisyal sa publiko at kung sinoman ang mayroong nalalamang impormasyon hinggil sa isyu ay lumutang na at tumulong sa mga awtoridad sa pagresolba ng kaso upang hindi sila madamay.
“Especially ‘yung mismong na-involve sa abduction na ‘to, ‘yung security guards diyan, ‘yung workers sa loob ng cockpit arena, kung may nalalaman kayo mag-step forward na kayo para hindi na kayo madamay sa kasong ‘to kundi habang buhay na pagkabilanggo aabutin ninyo dito,” dagdag ng DILG chief. (ALMAR DANGUILAN)