NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang halos P900,000 halaga ng mga pekeng sigarilyo sa lalawigan ng Nueva Ecija na ibiniyahe mula sa Bulacan, saka nadakip ang taong nasa likod nito nitong Lunes, 21 Pebrero.
Ayon kay P/Col. Jess Mendez, acting provincial director ng Nueva Ecija PPO, nagsagawa ang mga elemento ng Zaragoza MPS at 1st PMFC ng anti-criminality checkpoint sa provincial border control point, sa Brgy. Sto. Rosario Young, bayan ng Zaragoza, kung saan pinara ang isang puting Toyota Commuter Van sakay ang isang hindi pinangalanang lalaki mula sa Guiguinto, Bulacan.
Sa masusing paghahalughog ng mga awtoridad, nadiskubre ang 62 kahon ng mga pekeng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P868,000 sa laman ng naturang sasakyan.
Dinala ang mga nakompiskang kontrabando sa Zaragoza MPS para sa masusing imbestigasyon, samantala nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa RA No. 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003). (MICKA BAUTISTA)