ARESTADO ang isa sa mga most wanted persons (MWPs) ng Central Luzon pati ang tatlong iba pang pinaghahanap ng batas sa pinatinding manhunt operations ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 22 Pebrero.
Ayon kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, nagsanib-puwersa ang tracker teams ng Plaridel MPS, Pulilan MPS, at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) upang madakip si Gerardo Talastas, 49 anyos, ng Brgy. Bagong Silang, Plaridel, kabilang sa talaan ng most wanted persons ng Central Luzon at miyembro ng Serrano Group Criminal Gang.
Pinaniniwalaang ang grupong kinabibilangan ni Talastas ay sangkot sa malawakang ilegal na pangangalakal ng droga sa Pulilan at mga karatig bayan sa Bulacan.
Nakatala bilang priority high value individual ng Region 3 para sa dalawang kaso ng Rape, Lascivious Conduct sa ilalim ng RA 7610, at Unjust Vexation kaugnay ng RA 7610, pawang walang itinalagang piyansa batay sa warrant of arrest na inisyu nina Presiding Judge Francisco Beley ng Branch 4, at Presiding Judge Caroline Rojas ng Branch 84, parehong sa Malolos City Regional Trial Court.
Gayondin, inihain ng warrant officers mula sa San Rafael MPS at San Jose Del Monte CPS, katuwang ang mga tauhan ng 301st MC RMFB-3, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan at 3rd SOU-Maritime Group ang warrant of arrest sa mga suspek na kinilalang sina Gerald Flores, alyas G.A., para sa kasong Qualified Theft; Alexander Reyes para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property; at Jomar Balbastro sa paglabag sa Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury at Damage to Property.
Pahayag ni Ochave, ang pinanatiling pagsisikap ng Bulacan police laban sa mga wanted criminals ay kaugnay sa direktiba ng Chief PNP na epektibong isinasagawa ng pulisya sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)