MATABIL
ni John Fontanilla
MUKHANG handang-handa na nga sa pagpapa-sexy si Teejay Marquez, base na rin sa mga sexy picture na nagkalat sa social media na tanging trunks lang ang suot niya.
At kahit sa kanyang controversial movie na Takas may eksenang naka-trunks si Teejay sa harap ng salamin.
Ayon kay Teejay, “Game na game na ako magpa-sexy kasi nasa tamang edad na naman ako, basta maganda ‘yung pelikula at director game ako sa kahit anong eksena.
“Kung ‘yung mga sikat na Hollywood actor nga nagawang magpa-sexy ng todo, ako pa ba! Basta kailangang-kailangan lang sa eksena at sa ikagaganda ng pelikula, okey ako riyan.”
Mukhang taon nga ni Teejay ang 2022 dahil sa dami ng proyektong gagawin. Dalawa hangang tatlo ang gagawin niyang pelikula, kasama ang teleserye ng isang big TV network, commercials, at endorsement at malapit na ring magbukas ang kanyang kauna-unahang negosyo.