NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang isang lalaki matapos sitahin at dakpin sa paglabag sa batas-trapiko sa bayan ng Pandi, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 19 Pebrero.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang suspek na si Robertson Estrella, residente sa Brgy. Siling Bata, sa naturang bayan, na naaresto sa COMELEC checkpoint ng mga tauhan ng Pandi Municipal Police Station (MPS) sa lansangan ng nabanggit na barangay.
Nabatid, naunang pinahinto ng mga awtoridad na nakatalaga sa checkpoint ang sinasakyang motorsiklo ng suspek dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
Nagawa pang pumalag ng suspek kaya tuluyan nang inaresto at nang imbestigahan ay nakompiska mula sa kaniya ang isang balisong, isang coin purse na naglalaman ng isang pakete ng hinihinalang shabu, at isang bala ng kalibre .45.
Kasalukuyang nasa custodial facility ng Pandi MPS ang suspek na nahaharap sa mga kasong Direct Assault, paglabag sa Motorcycle Act of 2009, paglabag sa Omnibus Election Code (Illegal possession of Bladed Weapon and Ammunition), at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)