PINURI ng top cop ng Central Luzon na si P/BGen. Matthew Baccay ang pulisya sa kanyang nasasakupan, sa matagumpay na pagkakadakip ng isa sa itinuturing na national most wanted person sa isinagawang manhunt operation sa bayan ng Bamban, lalawigan ng Tarlac nitong Biyernes, 18 Pebrero.
Sa ulat ni P/Col. Erwin Sanque, acting provincial director ng Tarlac PPO, dahil mapanganib na kriminal kaya nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng Bamban Municipal Police Station (MPS), RIU3, PIT-Tarlac, 1st PMFC-TPPO, PIDMU-TPPO, at PIU-TPPO sa pagsasagawa ng manhunt operation sa Brgy. Sto Niño, sa nabanggit na bayan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadkaip kay Val Castro, 42 anyos, nakatala bilang national most wanted person, residente ng Brgy. Minuyan Proper, San Jose Del Monte, Bulacan.
Nahaharap ang suspek sa sapin-saping mga kaso na may mga warrant of arrest para sa mga krimeng Robbery; Carnapping; Illegal Possession of Firearms and Ammunitions na inisyu ni Judge Alexander Balut, Presiding Judge ng 4th Municipal Circuit Trial Court ng Aritao Sta. Fe, Nueva Ecija; at kasong carnapping na inilabas ni Judge Cholita Santos, Presiding Judge ng RTC Branch 88, Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Ayon kay P/BGen. Baccay, ang patuloy na pagpapatindi ng manhunt operations laban sa mga wanted persons sa rehiyon ay isinagasagawa upang masuri at madakip ang lahat ng may mga pananagutan sa batas. (MICKA BAUTISTA)