ARESTADO ang apat na indibiduwal sa loob ng isang pinaniniwalaang drug den sa bayan ng Subic, lalawigan ng Zambales na nasamsaman ng halos P102,000 halaga ng hinihinalang shabu, nitong Biyernes ng gabi, 18 Pebrero.
Inilunsad ang entrapment operation laban sa mga suspek ng magkatuwang na mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zambales at Zambales PPO.
Sa ulat, kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas Virgilio, 58 anyos; at alyas Arvin, 52 anyos, itinuturong mga maintainer ng drug den; alyas Richard, 38 anyos, at alyas Graciel, 33 anyos.
Nakuha sa sting operation ang limang selyadong plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000; sari-saring drug paraphernalia; at buy bust money.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 . (MICKA BAUTISTA)