PATAY ang sinasabing murder suspect nang makipagbarilan sa mga umaarestong mga awtoridad at nang-hostage ng pitong miyembro ng pamilya sa Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District Director, BGen. Remus Medina, ang mga ini-hostage ay kinilalang sina Rosalinda Dalumpines, 54; Reynan Dalumpines, 25; Ma. Salvie Dalumpines, 14; Riza Dalumpines, 12; Arjay Dalumpines, 19; isang taong-gulang na sanggol na si Renzo Andrei Dalumpines, at Marjorie Lacumba, 21, pawang naninirahan sa Visayas Ext., Pasong Tamo, Quezon City.
Kinilala ang hostage taker sa pangalang Arthur Agpalo, alyas Eagleman, may kasong murder, ay idineklarang dead-on-arrival dakong 3:24 am, ni Dr. Makie Tolosa ng East Avenue Medical Center.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City POlice District (CIDU-QCPD), bandang 2:50 am, 17 Pebrero, nang maganap ang insidente sa Visayas Ext., Pasong Tamo.
Batay sa imbestigasyon nina P/Cpl Juderick Latao at P/Cpl. Mark Andrew Reyes ng Holy Spirit Police Station (PS 14), ng QCPD, nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis sa pangunguna ni P/Maj. Jun Fortunato sa nangyaring shooting incident noong 14 Pebrero, nang may magbigay ng impormasyon kung saan nagtatago ang mga suspek na alyas Suysoy at Eagleman.
Hindi nabigo ang mga awtoridad at naaresto si Suysoy sa kasong RA 10591 at frustrated murder sa Commonwealth Ave., pero agad sumakay ng Mitsubishi Pajero ang isa pang suspek na si Agpalo.
Habang papatakas ay pinaputukan ng baril ni Agpalo ang mga awtoridad at pagkatapos ay agad bumaba sa getaway vehicle at inabandona sa Panopio St., Pasong Tamo.
Gayonman, nasundan ng mga pulis si Agpalo sa tahanan ng umano’y girlfriend nito sa Santan St., Pasong Tamo, kung saan muling pinaputukan ng suspek ang mga operatiba ng PS 14.
Muling nakatakas si Agpalo sa tahanan ng kaniyang girlfriend at pumasok sa tahanan ng mga biktima at ginawang hostage ang pitong miyembro ng pamilya Dalumpines.
Nagawang mailigtas ng mga awtoridad ang pitong miyembro ng pamilya Dalumpines matapos barilin ang nang-hostage na si Agpalo na agad isinugod sa nasabing ospital ngunit binawian ng buhay. (ALMAR DANGUILAN)