INARESTO ng pulisya ang itinuturing na most wanted person (MWP) sa city level kasama ang 20 iba pang pawang may mga paglabag sa batas sa pinatinding kampanya laban sa krimen sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 14 Pebrero.
Sa ulat mula kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang city level MWP na si Ariel Loreño, nadakip ng tracker teams ng San Jose Del Monte CPS bilang lead unit, kasama ang 301st MC RMFB-3, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan at 3rd SOU-Maritime Group.
Dinampot si Loreño sa bisa ng warrant of arrest sa kasong “Robbery In An Uninhabited Place or in a Private Building (RPC ART. 302)” na inisyu ni Judge Maria Celina Saludes Carungay – Sevillano ng Municipal Trial Court In Cities, Branch 3, Malolos, Bulacan.
Gayondin, nasakote ang walo pang wanted felons sa warrant officers ng mga police stations ng Sta. Maria, Plaridel, Angat, Hagonoy, Balagtas, Paombong, 2nd PMFC katuwang ang San Jose del Monte CPS, HPT Bulacan at 3rd SOU Maritime Group ang walo pang wanted felons.
Kinilala ang mga nadakip na sina Paolo Villareal sa paglabag sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law); Jeffrey Aliado sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property; Rubie Bianca Ignacio sa kasong Concubinage; Carlo Brioso, Qualified Theft; Lamberto Payongayong sa paglabag sa Usurpation of Authority or Official; Rommel Posadas sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injury; Ramon Perez Jr., sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175); at Ronilo Bellen para sa kasong Imprudence at Negligence.
Samantala, dinampot ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng police stations ng Pulilan, Pandi, at Baliwag sa ikinasang serye ng mga anti-drug bust operations ang apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga.
Kinilala ang mga suspek na sina Terry John Luis ng Brgy. Tinejero, Pulilan; Rodolfo Bagacay, Jr., alyas Jekjek, ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi; Marvin Tangcangco, alyas Kalbo, ng Brgy. Tangos, Baliwag; at Renato Garcia, alyas JR, ng Brgy. Barangca, Baliwag.
Nakuha mula sa mga naarestong suspek ang kabuuang 13 pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money na ginamit sa operasyon.
Bukod dito, nasakote sa anti-illegal gambling operations na inilatag ng mga tauhan ng Malolos CPS ang apat na indibiduwal na naaktohang nagsusugal ng tong-its sa Brgy. Caniogan, Malolos.
Nadakip din ng mga tauhan ng Meycauayan CPS ang apat katao habang nagsusugal ng ‘Lucky 9’ sa Brgy. Malhacan, Meycauayan.
Nasamsam na ebidensiya mula sa mga suspek ang isang set ng baraha at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)