Saturday , November 16 2024

Suarez Fish Hatchery sa Quezon, tablado sa Q1ECI

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

NAKABIBILIB naman ang pamunuan ng Quezon 1 Electric Cooperative , Inc. (Q1ECI) sa Barangay Poctol, Pitogo lalawigan ng Quezon. Bakit? Aba’y ang kooperatiba ay walang sinisino pagdating sa negosyo. Yes, they really mean business.

Bagamat, mataas pa rin naman ang kanilang paggalang o respeto sa kanilang subscribers, mahirap man o mayaman o ‘di kaya maimpluwensiya. Pare-pareho lang ang kanilang turing sa kanilang mga kustomer.

Isa sa masasabing patunay na nakabibilib ang kooperatiba ay ang kanilang ginawang hakbangin sa pagputol sa serbisyo ng koryente ng mga kilalang Suarez sa lalawigan. Ops, teka hindi iyong mga bahay ng mga Suarez ang pinutulan kung hindi ang kanilang pinatatakbong Fin Fish Hatchery (FFH) sa Barangay Punta, Unisan, Quezon.

Napaulat na nitong 10 Pebrero 2022 pinutulan ng Q1ECI ang fish hatchery dahil sa hindi pagbabayad ng bill na umabot sa P4 milyones. Wow! Napakalaking bill, mahigit apat na milyon. Tsk tsk tsk…

Pero siyempre, bago ginawa iyan ng kooperatiba ay mayroon munang pag-uusap — iyon bang prior notices o warning maybe — bibigyan ka muna ng pagkakataong mabayaran ang bill.

Ang engineering department ang pumutol ng supply ng koryente — sa notice of disconnection ay may nakasaad pang “delinquent consumer.” Nilagdaan ang notice nina Quezelco 1 officials Magene R. Grefalda, Finance Manager; Acting General Manager Victor Cada; at dating board member at Quezelco 1 legal counsel Atty. Frumencio “Sonny” Fulgar.

Ayos ha, katapang naman ng mga taong ere…nakabibilib. Negosyo yata ang pinag-uusapan dito.

Pero bago ang putulan blues, noong 6 Enero 2022, si Fulgar ay nagpadala ng demand letter sa kasalukuyang Ama ng lalawigan ng Quezon, si Governor Danilo Suarez. Nakasaad sa liham na dapat magbayad ang gobernador ng kanilang obligasyon sa loob ng limang araw, “otherwise we shall initiate the appropriate administrative, civil, and criminal actions against you protective of our said client’s interest.”

Ayon sa liham ni Fulgar, ang Suarez facility ay may kabuuang utang na P4,530,276.09 sa Q1ECI hanggang January 12.

Sa panig naman ni Gov, Suarez batay sa pagbubunyag ni Fulgar, sinasabi ni Gov. Suarez na ang mga kinonsumong koryente ng Fin Fish Hatchery (FFH) sa Bgy. Punta, Unisan, ay sakop ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Iyong naman pala e, hindi pala ang pamilya Suarez ang mananagot kung hindi ang BFAR. So, ba’t nagkaroon ng putulan?

Dahil sa pagdepensa ng pamunuan ng fish hatchery hinggil sa P4-M bill, minabuting sulatan ni Victor Cada, acting general manager ng Q1ECI, si Allan Castillo, provincial official in charge ng BFAR sa Lucena City noong January 4.

Ayon kay Cada, matapos makipag usap kay Gov. Suarez ay sinabihan sila nito na ang account ay nasa ilalim ng BFAR. Dahil dito, humingi sila ng kompirmasyon at mga dokumento na ang nasabing hatchery ay iniendoso o nasa ilalim nga ng BFAR.

Bilang katugunan, ani Castillo kay Cada noong January 7, ang Unisan Multi-Species Hatchery account para sa buwan ng March 2020 hanggang November 2021 ay hindi responsibilidad ng BFAR gayondin ang mga kinokonsumong koryente ng pasilidad.

“Based on our agreement, only security guard services have been secured and paid by the office since 2011. Further, based on our records, no endorsement for said assumption of payment for electrical consumption was made by both parties,” pahayag ni Castillo kay Cada sa kanyang sagot.

Pero tulad ng nauna nating nabanggit, mayroong nangyari munang due process — idinaan muna ng kooperatiba sa tamang paraan — iyon bang sinulatan pa ni Cada ang management ng FFH na naka-address kay Suarez noong December 7, 2021, at ipinagbibigay alam ang mga hindi nabayarang bills ng koryente.

Kalakip ng liham ang unpaid electricity bills mula March 2020 hanggang November 2021, kabilang din ang kahilingan na bayaran na ang kabuuang utang sa lalong madaling panahon dahil kung hindi ay “disconnection shall take effect 5 days after receipt of this notification.”

Iyan ang tama, bigyan muna ng pagkakataon ang mga kustomer.

Pero sino nga ba ang mananagot sa P4-M bill, ang mga Suarez ba o ang BFAR tulad ng sinabi ng pamunuan ng fish hatchery? Ano pa man, nakabibilib naman ang pamunuan ng electric cooperative, they really mean business — mapasino man ang babanggain nila basta nasa tama sila.

Basta, sa panig ng pamunuan ng fish hatchery, ang BFAR ang mananagot sa koryente. Well, paano iyon naputulan na.

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …