ARESTADO ang isang pinaniniwalaang talamak na drug den maintainer kabilang ang kanyang 10 parokyano sa inilunsad na entrapment operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Luzon at lokal na pulisya sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado ng tanghali, 12 Pebrero 2022.
Isinagawa ang napagkasunduang buy bust operation sa South Daang Bakal, Brgy. Dau, sa nabanggit na lungsod, dakong 5:00 pm kamakalawa.
Sa ulat mula sa PDEA Central Luzon, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Neil Reyes, 33 anyos, maintainer ng drug den; at kanyang mga suking sina Albert Galang, 29 anyos; Romano Reyes, 54 anyos; Anthony Saribiano, 21 anyos; Ariel Alinsolorin, 21 anyos; Mark Estabillo, 34 anyos; Deleric Quinto, 26 anyos; Philip Anuver, 41 anyos; Francis Dizon, 29 anyos; Bernard Cortez, 21 anyos; at Ross Hernandez, 35 anyos, pawang mga residente sa lungsod ng Angeles.
Ayon sa PDEA team leader, hindi nakapalag ang mga suspek nang maaktohang bumabatak sa loob ng makeshift drug den kung saan madalas magdaos ng pot session ang mga suspek.
Narekober sa high impact operation ang apat na piraso ng selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na 15 gramo, tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; sari-saring drug paraphernalia; at marked money na ginamit na pambili ng poseur buyer.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs of 2002 ang mga arestadong suspek na ihahain sa korte. (MICKA BAUTISTA)