NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos pagtangkaang patayin ang nakursunadahang kapitbahay habang dumaraan sa labas ng kanyang bahay sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 12 Pebrero.
Sa ulat kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang suspek na si Alberto Legazpi, residente sa Brgy. Bulusukan, sa nabanggit na bayan, dinakip ng mga nagrespondeng elemento ng Ildefonso Municipal Police Station (MPS).
Lumitaw sa imbestigasyon, unang dumaan sa harap ng bahay ng suspek ang hindi pinangalanang biktima upang bumili ng pagkain.
Dito siya kinursunadang patayin ni Legazpi, pero hindi niya pinansin noong una.
Ngunit nang bumalik siya pauwi ay binaril na siya ng suspek, na nagawa niyang ilagan hanggang makatakbo upang humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek at nakuha mula sa kanya ang isang unit ng kalibre .38 baril na kargado ng limang bala at isang basyo na ipinutok sa biktima.
Nahaharap ang suspek sa naangkop na reklamong kriminal habang dinala ang nakompiskang baril at mga bala sa Crime Laboratory office para sa ballistic examination. (MICKA BAUTISTA)