“ANG endorsement ni Bro. Mike kay Bongbong Marcos, sa aking palagay, ay maling-mali. Sapagkat kung mayroon man dapat i-endorse na pagka- presidente, hindi iyon si Bongbong Marcos.”
Inihayag ito ni Most Rev. Bishop Teodoro Bacani, spiritual adviser ng Catholic charismatic group El Shaddai, kahapon bilang paglilinaw sa isyu ng pag-endoso ni Bro. Mike Velarde sa tambalang Marcos-Duterte sa 2022 elections.
Inilinaw ni Bacani, sariling desisyon ni Velarde ang ginawang pagtaas ng kamay nina Marcos-Duterte at hindi kinonsulta ang ibang lider at kasapian ng El Shaddai.
“Si Bro. Mike Velerde ang founder at servant leader ng El Shaddai ngunit hindi siya ang El Shaddai-DWXI Partners Fellowship Int’l. Inc. Ito po ay mas malawak at mas malaki kaysa kanya,” aniya.
“Sa kanya pong pag-endo[r]so kay BBM , hindi po niya kinonsulta ang mga elders. Hindi rin niya kinonsulta si Father Jess Mercado na bishop ng Parañaque na sumasakop sa spiritual center ng El Shaddai. Hindi niya kinonsulta si Father Sonny Tiglaos, spiritual director ng El Shaddai. Hindi niya ako kinonsulta, spiritual adviser ng El Shaddai. Kaya po iyon ang personal endorsement,” giit ni Bacani.
Binira niya ang ‘slogan’ ni Marcos, Jr., na pagkakaisa dahil wala man lamang pagsisisi ang anak ng diktador at maging ang buong pamilya sa kanilang mga naging kasalanan sa bayan noong batas militar ng rehimeng Marcos lalo ang pandarambong sa kaban ng bayan.
“Gusto ko rin sabihin, si Bongbong Marcos ay naghahanap daw ng pagkakaisa ngunit ni hindi pinagsisisihan, at ang kanyang pamilya ay hindi pinagsisisihan ang kanilang ginawa noong nakaraang martial law. At ‘yung pandarambong na naganap noon na hindi naman maikakaila, bilyon ang nadambong noong panahong iyon. Hindi lamang po milyon at marami nang nakuhang muli ang gobyerno,” ani Bacani.
“Kaya mali po iyon. Kaya sa lahat ng mga kasapi ng El Shaddai malaya kayong pumili ng inyong gustong piliin para sa presidente,” pagwawakas ni Bacani. (ROSE NOVENARIO)