NAGBABALA si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kaniyang kakasuhan ang kandidato o mga supporters na lalabag sa health protocols sa panahon ng kampanya para sa halalan sa Mayo.
Ayon kay Año, nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang political parties at candidates upang mapaalalahanan ang kanilang mga supporters na obserbahan ang CoVid-19 health protocols sa panahon ng political campaign gatherings.
“Hindi naman tayo mamimili na kasuhan ‘yung mga kadidato, sympathizers, supporters nila na kapag may paglabag,” pahayag ng kalihim sa isang panayam.
“Dalawang paglabag ‘yan. ‘Yung sa Omnibus Election Code, na pupwedeng makulong ng isa hanggang anim na taon ang mga kandidato at perpetual disqualification. Sa mga supporters naman na hindi sumunod, puwede nating i-apply ‘yung RA 11332, at saka mga ordinansa ng LGUs,” dagdag niya.
Hinikayat rin ng kalihim ang mga kandidato na sundin ang Commission on Elections (Comelec) Resolution 10732 na nagpapatupad ng mga restriksiyon sa in-person campaigning.
Aniya, kung may makikita silang anumang paglabag sa mga polisiya ay direkta itong ire-report sa concerned officials upang maimbestigahan at matukoy kung kailangan silang sampahan ng kaso.
“Ire-refer kaagad natin sa appropriate agency. Kapag violation ng Election Code, of course, that’s under now the Comelec. Puwede silang mabibigyan kung ide-disqualify na or kasuhan sa korte ‘yung kandidato,” ayon kalihim.
“Kami naman sa law enforcement, of course, kapag dumating na sa violation ng public health protocols, automatically, sasampahan naman natin ng kaso ‘yan at iimbestigahan,” dagdag ng kalihim. (ALMAR DANGUILAN)