TULOY ang pagdagsa ng suporta mula sa mga artista o celebrity sa kandidatura ni presidential bet at Vice President Leni Robredo.
Kabilang sa mga bagong nagpahayag ng suporta ang mga beteranang aktres na sina Carmi Martin, Angel Aquino, at Marjorie Barretto.
Sa isang video na ipinaskil sa Facebook, sinabi ni Martin na iboboto niya si Robredo sa May 2022 elections para sa isang gobyernong tapat na reresolba sa lahat ng problema ng bansa.
“Iboboto ko si Leni Robredo para sa gobyernong tapat at siguradong maaayos natin ang lahat,” wika niya.
“Iboboto ko si Leni Robredo dahil sa gobyernong tapat, maisusulong ang tunay na pagbabago para sa kapakanan, kaunlaran at kasaganaan ng lahat,” sabi ng aktres na si Aquino.
Naniniwala Barretto na magkakaroon ng kapayapaan sa isip ang mga Filipino at mapagtatagumpayan ang kahit anong krisis sa gobyernong pinangungunahan ni Robredo.
“Iboboto ko si Leni Robredo dahil sa Gobyernong Tapat, panatag tayo na malalagpasan natin ang anumang crisis. Makaaahon tayo!” wika ni Barretto.
Kombinsido naman ang actor/host na si Robi Domingo na aangat ang mga kabataang Filipino sa ilalim ng pamumuno ni Robredo.
“Iboboto ko si Leni Robredo dahil sa Gobyernong Tapat, ang Kabataang Pinoy ay angat,” wika niya.
Bago ito, pinagtibay ng mga singer na sina Ogie Alcasid at Gary Valenciano at aktres na si Iza Calzado ang kanilang suporta kay Robredo, sa pagsasabing kailangan ng bansa ang lider na gaya niya para maresolba ang iba’t ibang problema tulad ng gutom, kawalan ng trabaho at pandemya.
“Iboboto ko si Leni Robredo dahil sa Gobyernong Tapat, may serbisyong uunahin ang kapakanan ng mamamayang Filipino,” wika ni Alcasid.
“Nakikiisa ako sa laban ni Ma’am Leni Robredo. Isang mahusay at mabuting babae ang gagabay at tutulong sa atin para ayusin ang ating pagkagutom, kawalan ng trabaho, takot at sakit,” dagdag ni Calzado.
Sa kanyang pagboto sa kauna-unahang pagkakataon, sinabi ni Valenciano, alam niyang tama ang pipiliin niya sa katauhan ni Robredo.
“Ang dahilan ay talagang napatunayan lalo nang dumapo ang CoVid-19 sa Filipinas, she had plans, hindi lang intentions in order to help and make sure na makakatulong ang plano niya sa bawat Filipino na nangangailangan,” ani Valenciano.
Nagpahayag din ng suporta kay Robredo ang iba pang mga artista, gaya nina John Lapus, Jugs Jugueta, Pinky Amador, Yayo Aguila, Jolina Magdangal, Saab Magalona, Jaime Fabregas, Pia Magalona, Robi Domingo, Bituin Escalante, K Brosas, Gab Valenciano, Rita Avila, Nikki Valdez, Arlene Muhlach, Macoy Averilla, Cherry Pie Picache, Jim Paredes, Noel Cabangon, Ogie Diaz, Ana Roces, Susan Africa, Mitch Valdes, at Rica Peralejo.