Sunday , December 22 2024

Sinopla ng US
FBI’s ‘QUIBOLOY WANTED’ POSTER WALANG KINALAMAN SA PH POLLS

021022 Hataw Frontpage

ni ROSE NOVENARIO

WALANG kinalaman sa umuusad na presidential campaign para sa 2022 elections ang paglalabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng wanted poster ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy bunsod ng tambak na kasong kriminal gaya ng child sex trafficking sa Estados Unidos.

Sa opisyal na pahayag ng US Embassy, binigyan diin na ang ‘Quiboloy Wanted’ poster ay bunga ng ilang taong pagsusu­mikap ng mga awtoridad sa Amerika.

“The FBI’s (Federal Bureau of Investigation) release of a wanted poster for Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy follows a multiyear effort by law enforcement,” anang US Embassy.

“It is unrelated to the Philippines’ ongoing presidential campaign.”

Ang pahayag ng US Embassy ay kasunod ng akusasyon ng kampo ni Quiboloy na kaduda-duda ang timing ng paglalabas ng FBI ng wanted poster ng KOJC founder na halos isinabay sa pagsisimula ng official campaign period para maapektohan ang  kandi­datura ng tambalang Marcos-Duterte lalo na’t spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte si Quiboloy.

Inilabas kamakailan ng FBI sa kanilang website ang wanted poster ni Quiboloy bunsod ng mga kasong  “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”

Kaugnay nito, sa ulat ni Bombo International News Correspondent Marlon Pecson mula sa Chicago, Illinois, sinabi niyang  mabilis na ku­mikilos ang Estados Unidos upang hindi ma-access ni Quiboloy ang kaniyang mga ari-arian sa Amerika.

Nauna rito’y napa­ulat, nais ng mga awtori­dad sa Amerika na kompiskahin ang mga ari-arian ni Quiboloy dahil ito’y ‘ill-gotten.’

Itinuturing ng FBI na “ill-gotten” ang properties ni Quiboloy sa US dahil resulta ito ng mga ginawang krimen.

Kabilang sa mga nanganganib na makom­piskang ari-arian ni Quiboloy sa Amerika ay ang Cessna Citation Sovereign, isang private aircraft na may current market value na $18 million, isang Bell 429 helicopter, ilang luxury cars at real estate properties, gaya ng million-dollar mansion sa Calabasas, California.

May mga bahay din umano si Quiboloy sa Las Vegas, Nevada at sa Kapolei, Hawaii, at ang main headquarters ng KOJC na may address sa US na 14400 Block of Vanowen Street, Van Nuys, California.

Nagsimula umanong subaybayan ng US authorities ang mga aktibidad ni Quiboloy mula nang madetine ng isang araw sa Honolulu noong 13 Pebrero 2018 makaraang matuklasan ng customs officials sa kanyang luggage ang gun parts,  US $335,000 US dollars cash at $9,000 Australian dollars sa kanyang private aircraft.

Sa panayam sa Teleradyo kamakalawa, tiniyak ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay, hindi maka­aapekto ang ugnayan ni Quiboloy kay Pangulong Duterte sa pagproseso ng DFA sa extradition ng KOJC founder.

“Alam mo kami, we always implement it naman objectively ‘no, color-blind kami as to the whatever political implications, if they have, kasi naman, required naman talaga kami na color-blind kami ano, because we are following the treaty,” sabi ni Dulay.

“Simple naman ‘yung treaty, malinaw naman ‘yung nakasulat doon so ang trabaho naman talaga ng Department of Foreign Affairs, true to its mandate, is to process it according to the treaty. ‘Yun lang ang talagang trabaho namin,” giit niya.

“Pag hindi natin ginawa nang maayos ‘to, we will lose our credibility in the international community pagdating sa mga enforcement of treaties. Mahirap naman yon.”

Hanggang sa ngayon ay wala pang natatang­gap na extradition request ang gobyerno ng Filipinas mula sa Estados Unidos.

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …