AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA KABILA ng maraming naghihirap na manggagawa ngayon o hirap sa buhay lalo nang umatake ang CoVid-19 sa bansa, mayroon namang nagpapakasasa o nagpapayaman sa kasalukuyang sitwasyon.
Ops tama ba ang terminong ginamit natin ang ‘nagpapakasasa’? Kayo na ang bahalang humusga kung sinasamantala ba ng ilang klinika o laboratoryo ang magpapatingin sa kanila ngayong panahon ng pandemya.
Hindi naman lingid sa ating kaalaman na simula noong pandemya, tumaas na ang singilin sa mga pribadong klinika o laboratoryo. Partikular na tinutukoy natin na klinika ay iyong may serbisyong inaalok na operasyon…sa loob ng klinika ginagawa ang operasyon para lang sa minor cases – tanggal bukol at iba pa habang ang iba ay iyong may serbisyong endoscopy and the likes.
Noong wala pang pandemya, pina-iingat tayo nang doble-doble para hindi magkasakit pero nang umatake si CoVid hindi lang doble ingat ang ginagawa natin kung hindi higit pa para hindi tayo mahawaan ng nakamamatay na virus.
Nakatatakot magka-covid lalo noong wala pang bakuna, maraming namatay hanggang ngayon naman pero malaki na ang ibinaba ng bilang ng namamatay.
Sa ngayon kapag magpabunot ng ngipin, magpa-opera sa mga pribadong klinika o magpasailalim ng endoscopy and the likes, para makaseguro ang pamunuan ng klinika o laboratoryo, kinakailangan magpa-swab test muna ang pasyente. Kailangang negatibo ng resulta.
Tama naman ang proseso at hindi tayo tutol diyan lamang, dapat sigurong makialam ang Department of Health (DOH) sa ibang kalakaran na ipinatutupad ng ilang pribadong klinika o laboratoryo.
Mayroon kasing masasabing ilan sa mga natukoy ay tila sinasamantala na ang CoVid sa pamamagitan ng pagkarga sa kung ano-anong COVID charges sa kanilang pasyente. Yes, mayroon nang karagdagang CoVid fee charges – charge sa pasyente ang disinfectant sa clinic, charge sa pasyente ang gamit na PPE, charge sa pasyente ang paglinis o pag-disinfect sa mga nagamit na aparato at iba pa.
Naintindihan natin iyan dahil nga nagkaroon ng additional na serbisyo ang klinika pero ang nakatatawa dito ay ang paglilinis ng klinika ay dati naman na, ibig kong sabihin noon pa man ay nagdi-disinfect na sila. E ba’t ngayon ay bigla na silang nagpapabaya sa expenses ng kanilang paglilinis sa klinika? Lumalabas na noon ay hindi pala sila naglilinis ng klinika nila. Walis-walis at punas-punas lang.
Ang mga aparato o gamit naman sa pag-oopera ay dati na nilang dini-disinfect. So, ngayon ba’t may charge na? PPE charge, sige nauunawaan natin iyan lalo na kapag disposable ang ginagamit.
Yes, napakahirap na talaga ngayon kahit na simple lang ang gagawin sa pasyente, napakaraming kung ano-anong CoVid fee charges ang ipnapatong sa bill.
Sige, ipagpalagay natin legal ang charges na ito, pero, dapat lamang siguro na mamasukan na ang DOH sa charges na ito dahil marami ang nananamantala o nagpapayaman sa CoVid charges.
Sana ang gawin ng DOH ay maglabas ng mga uniformed CoVid charges fee para sa mga pribadong klinika na nagsasagawa ng operasyon, endoscopy, at iba pa.
Simula nang umatake ang pandemya, mas ginusto kasi ng nakararami na magpatingin o magpaopera lalo ng minor operation, endoscopy, colonoscopy sa mga pribadong sektor kaysa ospital ng pamahalaan dahil sa takot na mahawaan ng CoVid.
Kaya sana ay maglabas ang DOH ng panuntunan ng tamang paniningil sa kung ano-anong CoVid fee charges na sinisingil ng ilang mga pribadong klinika maging sa ilang malalaking pribadong ospital. Grabe din sila maningil ng CoVid fee charges.